Ang issue kung ang pagbago (amendments) ng Constitution ay nangangailangan ng ¾ votes ng pinagsamang Kamara (House of Representatives) at Senado o magkahiwalay na ¾ votes ng Kamara at Senado ay naiwasan sana kung ang mga Commissioners (o secretariat staff) ng 1986 Constitutional Commission ay naging maingat lamang sa proof-reading ng inilathala ang 1987 Constitution (in final form) bago ito tuluyang inaprubahan.
Sa ating 1935 Constitution na naging epektibo noong 1935 hanggang 1973, para ma-amyendahan (amend) ang Constitution, kailangang magkaroon ng joint session ang Kongreso kung saan boboto ng magkahiwalay ang Senado at Kamara at dapat makakuha ng ¾ votes sa lahat ng miyembro ng Senado pati na sa Kamara. Dahil naman unicameral ang Batasang Pambansa sa ilalim ng 1973 Constitution at hindi bicameral, ang pag amyenda sa 1973 Constitution ay nangangailangan lamang ng ¾ votes ng lahat ng miyembro nito.
Hinirang ng dating Pangulong Corazon C. Aquino ang limampung (50) miyembro ng 1986 Constitutional Commission matapos magkaroon ng EDSA Revolution. Sila ang bumalangkas at gumawa ng 1987 Constitution. Ayon sa isang dating miyembro ng 1986 Constitutional Commission, ang unang napagkasunduan ng mga miyembro ay magkaroon ng isang unicameral legislative body. Dahil dito, ng ginawa ng mga assigned commissioners ang Article XVII (Amendments or Revision), partikular ang Section 1, nailagay na ang pag amyenda ng Constitution ay maaaring imungkahi ng Kongreso na may botong ¾ ng lahat ng miyembro nito. Makikita na ito ay halos kinopya sa Section 1, Article XVI ng 1973 Constitution dahil nga sa ilalim ng 1973 Constitution ang legislative body natin ay isang unicameral. Ayon na rin dito sa dating miyembro ng Constitutional Commission, ng tuluyan ng mapagpasyahan ng Constitutional Commission na gamitin ang bicameral legislative body (Kongreso na may Senado at Kamara) imbes na yung naunang napagkasunduan unicameral legislative body, nakaligtaan i-adjust at ayusin ang pagkasulat ng Section 1, Article XVII 1987 Constitution. Dahil sa kapabayaan at pagkakamali, kung totoo nga ito, maaaring magkaroon ng isang Constitutional Crisis sa Kongreso kung ipipilit ng Kamara na ang bilang ng ¾ votes ay ¾ lahat ng miyembro ng pinagsamang Senado at Kamara. Ang ganitong sakaling hakbang ng Kamara ay tiyak na tututulan ng Senado. Maliit lang ang bilang ng miyembro ng Senado (24 Senators) kumpara sa mahigit na tatlong daang (300) miyembro ng Kamara, kaya kung sakaling ipipilit ng Kamara ang kanilang kagustuhan, ang Senado ay mababalewala.
Marami ng mga legal luminaries na nagbigay ng opinyon na ang sinasabing ¾ votes para ma-amyendahan ang Constitution ay ¾ votes na pinaghiwalay na boto sa Senado at Kamara. Ito ay dahil ang Kongreso ay may dalawang sangkop at sangay, ang Senado at Kamara. Tama lang na magkaroon ng magkahiwalay na boto sa Senado at Kamara. Tayo ay sumasang-ayon sa ganitong posisyon. Sana huwag namang ipilit ng Kamara na ang pagbilang ng boto ay ¾ ng magkasamang miyembro ng Kamara at Senado para maiwasan ang isang maaaring Constitutional Crisis.
Tinatalakay ngayon ng Kamara ang mungkahing amyendahan ang tinatawag na economic provisions sa Constitution para daw makatulong sa ekonomiya ng bansa. Magandang hangarin ito, ngunit kailangan bang gawin ito ngayon sa gitna ng pandemya. Maraming problema ang taong bayan dala ng Covid-19 crisis. Ito ba ang tamang solusyon para labanan ang crisis? Ito ba ang sagot para solusyunan ang pandemya?
Nakikiisa tayo na may mga provisions ngang dapat baguhin sa ating Constitution partikular ang economic provisions nito na tila wala na sa panahon. Ang pag amyenda sa ating Constitution o mas kakilala na Cha-cha ay mag dudulot lang ng kaguluhan imbes na magkaroon ng solusyon. Katulad ng ating mga naunang naisulat, maganda sanang aksyon ito sa parte ng Kongreso kung napapanahon at tama sa timing. Marami ng nagtangkang mag Cha-cha ngunit ito ay hindi pinalad dahil mali ang timing at hangarin. Hindi nakakuha ng suporta sa taong bayan at ito ay pinaghinalaang isang paraan ng mga pulitiko para manatili sa kanilang mga puwesto. Lalo na ngayon sa panahon ng pandemya, ang mungkahing mag amyenda ng anumang provisions sa Constitution ay hindi nararapat. Tutukan na lang sana ng Kongreso at ng pamahalaan kung papaano mabibigyan ng lunas ang paghihirap ng tao dala ng umiiral na pandemya.
The post Posibleng constitutional crisis sa Kongreso dahil sa Cha-cha appeared first on Bandera.
0 Comments