Sa nakaraang 25 araw simula nang maging PNP Chief si Lt.Gen. Guillermo Eleazar, sunud- sunod ang kanyang aksyon upang linisin ang 220,000 kataong police agency sa mga abusado, corrupt, at mga sangkot sa illegal drugs.
Unang-una, iniutos niyang buksan ang mga police records sa animnaput isang kaso ng drug killings sa ilalim ng Duterte administration. Bagamat ito’y simula pa lamang , bibigyang daan nito ang Department of Justice upang alamin ang katotohanan sa kamatayan ng mga “nanlaban” sa nakaraang police raids.
Bukod dito, lahat ng anti-drug operations na gagawin ng mga pulis ngayon ay kailangang silang naka-“body cams” upang mai-record ang lahat ng pagdakip sa mga suspects, engkwentro man o nanlaban.
Ikalawa, inilunsad niya ang “E-sumbong:Sumbong mo, Aksyon ko”, isang “complaint referral system” na gagarantiya ng mabilis at konkretong aksyon sa bawat reklamo ng taumbayan. Hindi tulad dati na tengang kawali lang at tatakutin ka pa.
Ikatlo, tinanggal niya ang “padrino system” sa recruitment ng mga bagong pulis. Hinuli din ang mga “fixers” at “insiders” na nakikialam sa Sistema. Dati-rati, bata-bata ang pagiging pulis at kapag nakapasok ay “kinokotahan” ng kanilang mga superiors.
Ngayon, may sariling QR CODE ang bawat aplikante kayat hindi pwedeng pakialaman kahit ng mga taga-loob. Binabaan rin ni Eleazar ang height requirement sa 5’2” sa lalake at 5’0 sa mga babae na gustong magpulis.
Ikaapat, aksyon agad si Eleazar sa mga krimen araw-araw. Tulad ng tinawag niyang karumal-dumal na pagpatay ng lasing na pulis sa babaeng bumibili lamang sa isang tindahan sa Bgy Greater Fairview, QC, noong Lunes ng gabi. Ayon kay Eleazar, sasampahan ng kasong murder at administratibo si Master Sergeant Hensie Zinampan ng QCPD na bumaril kay Lilibeth Valdez matapos silang magtalo. Nakunan ito ng video ng mga netizens. Talaga namang nuknukan ng kawalanghiyaan itong si Zinampan, na may ranggo pa sa QCPD.
Ikalimang malaking pagbabago ay ang puspusang paggamit ni PNP Chief Eleazar sa social media. Ilang beses siyang nagla-live sa Facebook at maging sa Youtube upang derektang ipaalam at hindi magkalituhan sa kanyang mga direktiba. Alam niyo naman ang isyu ng “namedropping” o gamitan ng mga pangalan diyan sa PNP, diyan nagsisimula ang mga korupsyon at pang-aabuso sa kapangyaihan. Dahil oras-oras “available” siya sa taumbayan, derekta niyang naa-aksyunan ang mga reklamo o hinhinging tulong.
Ikaanim na gusto ng tao ay ang pisikal na pagbabago ng bawat presinto o police community precinct (PCP). Alam niyo naman, masama ang tingin ng mga tao sa mga dating istasyon ng pulis. Ang tawag nga minsan ay presinto kwarta, hindi presinto kwatro o kaya’y presinto gatasan. Sa bagong direktiba, bawat presinto ay kailangang maganda ang hitsura at kaakit-akit sa taumbayan para humingi ng proteksyon, hindi iyong pagdating doon ay tatagain sila ng mga mapagsamantala at nagdidilihensyang mga pulis.
At siyempre, kasama na rito ang pagkawala ng mga “bata-bata” ng mga pulis na mga kriminal din na ginagawa nilang “asset” daw o kaya’y impormante, pero sa totoo lang ay mga abusado rin at pakawala sa kalye.
Ilan lamang ito sa napansin kong mga pagbabago dapat namang mangyari lalot doble-doble na ang sweldo ng mga pulis natin. Ang problema nga lang hindi pa rin nawawala ang mga bulok, abusado at corrupt sa kanilang hanay.
Totoong anim na buwan na lamang si Eleazar bilang PNP chief, pero, hindi basta-basta mawawala ang kanyang “institutional reforms” sa hanay ng mga pulis. Maigsi man ang panahon, ito’y seryosong pagtatangka niyang ibalik ang tiwala ng mamamayan sa mga unipormadong pulis. Walang dahilan para hindi natin siya suportahang magtagumpay.
Snappy salute, General Eleazar!
The post Mga bulok at abusadong pulis, isa-isahin na! appeared first on Bandera.
0 Comments