Inilibing na nitong Linggo si Christine Angelica Dacera sa General Santos City habang nananatiling walang linaw sa tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.
Mahigit sa 100 myembro ng pamilya at malapit na kaibigan na pawang nakasuot ng puting damit ang naghatid sa huling hantungan ng 23-taong flight attendant na natagpuang patay sa bathtub ng isang hotel sa Makati City matapos na magdiwang ng Bagong Taon kasama ang 11 lalaki.
Mga myembro ng Philippine Marine Corps ang nagbitbit sa kanyang kabaong nang siya ay ihimlay ganap na 10:40 ng umaga sa Forest Lake Memorial Park.
“Mahal na mahal ka namin, Baby Ica,” wika ng ina niyang si Sharon Dacera, patungkol kay Christine. “Nananalangin kami ng hustisya para sa aming Baby Ica.”
Ikawala sa apat na magkakapatid si Christine, na nagtapos na cum laude sa kursong komunikasyon sa prestihiyosong University of the Philippines-Mindanao sa Davao City. Nagtatrabaho siya bilang flight attendant sa Philippine Airlines.
Noong Enero 1, matapos na matagpuang wala nang pulso sa Garden Grand Hotel dakong tanghali ay isinugod si Christine sa ospital kung saan siya ay idineklarang wala nang buhay.
Kaagad na nagsampa ng probisyunal na kasong rape with homicide ang pulisya ng Makati laban sa 11 kalalakihan na kasama ni Christine sa party at tatlo ang kaagad na ikinulong habang pinaghahanap ang walong iba pa. Sinabi ng pulisya na sarado na ang kaso dahil nakilala na ang mga suspek.
Pero ibinalik ng piskalya ng Makati ang kaso sa pulisya kasabay ng utos na palayain sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido, at John Paul Halili dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Nitong Biyernes, nagsampa ng kasong administratibo ang pamilya ni Christine laban kay Police Maj. Michael Nick Sarmiento ng Southern Police District dahil sa umano’y “gross negligence at gross incompetence” sa ginawa nitong paghahanda ng medicolegal report kaugnay sa insidente.
Sa kanilang reklamong inihapag sa Internal Affairs Service ng the Philippine National Police, hiniling nila ang pagsibak kay Sarmiento matapos na iutos nito ang pag-embalsamo sa katawan ni Christine bagama’t wala pang medicolegal na pagsusuring nagawa at walang pahintulot mula sa kanyang magulang. Wala rin umanong forensic samples na kinuha na mahalaga para sa imbistigasyon.
Ganundin, sinabi nila sa kanilang reklamo na nagbigay ng konklusyon si Sarmiento na ruptured aortic aneurysm ang sanhi ng pagkamatay ng dalaga na walang pagsasaalang-alang sa kondisyon ng katawan nito, kabilang na ang mga pasa at sugat.
Sa kasalukuyan, hinihintay ng pamilyang Dacera ang resulta ng isang independyenteng autopsy na isinagawa ng pulisya para matiyak kung ano nga ba ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng dalaga.
Inatasan na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation na magsagawa ng ikatlong autopsy dahil hindi umano maayos ang isinagawang pag-iimbistiga ng pulisya.
May ulat mula sa Philippine Daily Inqurier
The post Christine Dacera inihimlay na sa General Santos City appeared first on Bandera.
0 Comments