TALAGANG ipinagdasal ng Kapamilya young actress na si Charlie Dizon ang manalo ng acting award.
Ayon sa leading lady ni Paulo Avelino sa Metro Manila Film Festival 2020 entry na “Fan Girl” kung saan nga siya itinanghal na best actress, isang “answered prayer” ang nangyari noong Gabi Ng Parangal para sa taunang filmfest.
“Pinagpe-pray ko siya talaga. As in dati pa. As in nu’ng nagsisimula pa lang ako. Lagi ko rin siyang ine-envision na one day mananalo ako or one day may mapatutunayan ako kasi yun talaga yung pinakanahirapan ako na phase ng buhay ko,” pahayag ni Charlie sa muling pagharap niya kagabi sa entertainment press at vloggers para sa virtual mediacon ng iWanTFC’s horror anthology na “Horrorscope.”
Dagdag pang paliwanag ng dalaga, “Parang iniisip ko ang hirap mapansin, ang hirap lahat. So yun lang yung goal ko, yung gawin maayos yung ginagawa ko.
“Tapos lagi ko lang pine-pray na sana one day ma-recognize. Yun lang. Sana kung kailan yung perfect timing sana ready ako. Yun lang ang lagi kong ipinagdarasal,” aniya pa.
Sa tanong naman kung may mga pagbabago ba siyang naramdaman ngayong may best actress award na siya, “Na-feel kong pagbabago? Nagulat ako sa dami ng taong nagko-congratulate tapos parang naging busy yung social media ko bigla.
“Tapos naging sunud-sunod yung mga ganap. Pero masaya naman, parang I just go with the flow na lang ako and ayun kapag kinakabahan ako nagdadasal na lang ako. Yun lang yung mga pagbabago so far,” sabi pa ni Charlie.
Samantala, ibang-iba naman ang ipakikita ng dalaga sa bago niyang project, ito ngang “Horrorscope” kung saan gaganap siyang pulis sa episode na “Virgo” kasama si Fino Herrera.
“Ako si SPO1 Ronalyn Teves dito, isang rookie cop tapos first mission ko yun na nakasama ko yung dalawang superior ko na pulis tapos sa hindi inaasahang lugar ko nakita yung ex-boyfriend ko so du’n ako magde-decide kung gagawin ko ba yung tama or kung paano makaka-survive sa sitwasyon ko,” kuwento ng young actress.
“Dito siyempre bagong character and makikita pa rin naman dito yung side ko din na may times na hindi mo mabasa, parang ganu’n.
“And siyempre may pagka-fierce pa din kasi du’n lalabas yun kapag nandu’n na siya sa sitwasyon na naiipit na siya. Abangan n’yo kung bida or kontrabida,” chika pa ng dalaga.
Ang “Horrorscope” ay nilikha, ipinrodus at idinirek ni Ato Bautista, na siya ring nagdirek ng unang kabanata nitong “Scorpio” sa “Sitsit” movie series ng iWantTFC. Ang dalawa pang episode nito ay ang “Leo” at “Libra.”
Mapapanood na ng standard at premium subscribers worldwide ang tatlong kwento ng katatakutan sa “Horroscope” sa iWantTFC app (iOs at Android) o sa iwanttfc.com simula Enero 13.
The post Charlie ipinagdasal ang best actress award: One day mananalo ako at may mapatutunayan ako… appeared first on Bandera.
0 Comments