LABIS ang saya nadarama ng homeless student na si Jun-jun nang sorpresahin siya ng bagong tirahan ng vlogger-comedian na si Chad Kinis.
Si Jun-jun ay isang third year BS Education sudent mula sa Makati na nakilala ni Chad sa pamamagitan ng letter sender na si Val Olaguer na guro niya noon.
Nang bisitahin ni Chad ang “Magic Place” ni Jun-jun ay umpisa pa lang, hirap na silang pumasok dahil maliit lamang ang pinto patungo sa tinutulugan ng binata.
Nang makapasok sila ay talagang bakanteng lote lamang ang tinutuluyan ni Jun-jun at tagpi-tagping karton at tolda lamang ang nagsisilbing silong ng binata.
Wala rin siyang access sa tubig at kuryente kaya nakiki-igib na lamang siya sa mga kapitbahay at nakiki-charge lamang sa barangay ng kanyang laptop na nakuha niya sa isang fundraising activity.
Simula 2010 ay doon na nakatira si Jun-jun.
Sa kabila ng kahirapan ay patuloy pa rin sa paglaban sa buhay si Jun-jun. Consistent honor student at palaging nakakatanggap ng awards at recognition, bagay na hinangaan ni Chad.
“Ever since po kasi ang naging rason ko po para lumaban is ‘yung pamilya ko po lalo na po sila Mama at Papa. Si Papa po kasi tricycle driver tapos si Mama tagalaba. Ang iniisip ko po sana kapag nakatapos ako mabigyan ko po sila ng bahay,” pagbabahagi ni Jun-jun.
Ayon pa ni Jun-jun, pinanghahawakan niya ang sinabi sa kanya ng kanyang guro noon na “Walang mahirap sa taong may pangarap”.
Kwento ni Jun-jun kay Chad, nasa Antipolo raw ang pamilya ni Jun-jun pero naisipan niyang lumayo sa pamilya para makahanap ng paraan para matulungan silang makaahon sa kahirapan.
Pagkatapos ng kanilang chikahan sa tinutuluyan ni Jun-jun ay niyaya na ni Chad ang binata na kumain ngunit ang hindi alam ng binata ay ang kanyang pagsama sa vlogger-comedian ay isang hakbang sa mas komportableng pamumuhay.
Sa una ay nagkunwari si Chad na titignan ang isang apartment para sa ate niya na kunyari ay manganganak pero ang totoo ay ito na ang bagong titirhan ni Jun-jun.
“Dito mangyayari ang malaking surprise para sa kanya. Nakita n’yo naman po ‘yung kanyang tinutuluyan, ang kanyang ponagdaraanan at kanyang kasipagan and siguro deserve naman ni Jun-jun ng mas maayos na tirahan at matutulugan,” saad ni Chad.
Isinama na nga ni Chad ang binata sa paglilibot sa building na kunyari ay para lang masiguro ni Chad ang amenities na titirahan ng kanyang kapatid.
Nang nasa kwarto na sila ay ni-reveal na ni Chad na iyon na ang magiging kwarto ni Jun-jun hanggang sa maka-graduate ito sa kolehiyo.
“Simula ngayon dito ka na titira!” naiiyak na sabi ni Chad.
Hindi naman makapaniwala si Jun-jun sa sorpresa ni Chad at naiiyak na nagpasalamat at sinabing hindi niya ito kayang bayaran.
“Mag-aral ka lang mabuti. Gusto ko pang makitang matagumpay ka, maging maayos ang pamilya mo. Tumulong ka rin sa ibang tao pag kaya mo na. Wala kang iisipin, mag-aral ka lang,” sagot naman ni Chad.
Mensahe naman ni Chad sa iba pang kabataan, “Sana kapag binigyan kayo ng pagkakataon, ‘wag n’yong sayangin. Kung si Jun-jun nga po nagtitiis dito para lang maigapang at mairaos ang pag-aaral para sa magandang kinabukasan para sa kanyang pamilya at para sa kanya, sana gawin n’yo rin.”
Related Chika:
Model-businessman pinatunayan ang pagmamahal kay Chad Kinis; malilisyosong bashers hinamon
The post Chad Kinis sinorpresa ang binatang walang maayos na tirahan appeared first on Bandera.
0 Comments