Nora Aunor
PARARANGALAN ng Komisyon sa Wikang Filipino ang nag-iisang Superstar na si Nora Aunor bilang isa sa mga personalidad na tatanggap ng Kampeon ng Wika 2021.
Ito’y dahil sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon sa larangan ng pelikulang Pilipino na sumasalamin sa buhay ng mga Pilipino.
Siya ay isang batikang artista, mang-aawit, prodyuser, at nakatanggap ng iba’t ibang parangal mula sa FAMAS, Gawad Urian, Metro Manila Film Festival, Luna Awards, Gawad Tanglaw, The EDDYS at iba pa.
Kinilala sa bansa at international community ang kanyang mga pelikulang All Over The World; Guy and Pip; Lollipops and Roses; My Blue Hawaii; And God Smiled At Me; Carmela; Fe, Esperanza, Caridad; Erap Is My Guy; Super Gee; Banaue; Niño Valiente; Tatlong Taong Walang Diyos; Minsa’y Isang Gamu-Gamo; Kaming Matatapang Ang Apog; Bakekang; Little Christmas Tree; Pag-ibig Ko’y Awitin Mo; Atsay; Ikaw Ay Akin; Huwag Hamakin: Hostess; Mahal Mo, Mahal Ko; Ina Ka ng Anak Mo; Annie Batungbakal; Bona; Kastilyong Buhangin; Himala; Till We Meet Again; I Love You Mama, I Love You Papa; at Halimaw.
Nandiyan din ang Penoy Balut; Bilangin Ang Bituin Sa Langit; Andrea, Paano Ba Maging Isang Ina?; Ang Totoong Búhay ni Pacita M; The Flor Contemplacion Story; Babae; Naglalayag; Thy Womb; Ang Kuwento Ni Mabuti; Dementia; Kinabukasan; Padre De Pamilya; Taklub; Hinulid; at Tuos.
Samantala, kikilalanin din ang Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika bilang Kampeon ng Wika dahil sa adbokasiya na nagpapahalaga sa wikang Filipino at panitikan.
Ang Tanggol Wika ay may halos 800 rehistradong kasapi na binubuo ng alagad ng wika, edukador, mananaliksik, at mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad sa buong bansa.
Tuloy-tuloy na isinasabalikat ng Tanggol Wika ang pag-aambag sa adbokasiyang pangwika sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga interdisiplinari/multidisiplinaring lektura, forum, webinar, atbp. sa wikang Filipino; pagla-lobby sa mga ahensiya ng gobyerno at sangay lehislatibo pára sa mga adbokasiyang pangwika (mula MTB-MLE sa DepEd hanggang sa pagpapabalik ng asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo); pagbubuo ng mga makabuluhang materyal na panturo sa wikang Filipino at sa ibang larangang maituturo sa wikang Filipino gaya ng Kasaysayan, Araling Pangkultura, atbp.; at pagtataguyod ng mga makabuluhang repormang sosyo-ekonomiko sa pamamagitan ng puspusang paggamit ng Filipino sa mga napapanahong pahayag, praymer
Magaganap ang makasaysayang araw na ito sa Nob. 9 2021, 10 a.m. sa Legazpi Ballroom Makati Diamond Residences, Brgy. San Lorenzo, Legazpi Village, Makati at naka-live stream sa Live sa https://ift.tt/31Ez2Yn.
The post Ate Guy tatanggap ng Kampeon ng Wika 2021 award appeared first on Bandera.
0 Comments