Jak Roberto at Herlene Budol
MAY inamin si Herlene Budol o mas nakilala noon bilang si “Hipon Girl” sa programang “Wowowin” tungkol sa Kapuso hunk actor na si Jak Roberto.
Akala raw niya kasi ay suplado at mayabang ang boyfriend ni Barbie Forteza dahil natatandaan pa raw niya nang ilang beses siyang mag-message sa binata sa pamamagitan ng Instagram.
Talaga raw noon pa siya fan ni Jak at ang isa raw sa mga wish niya lagi kapag sumasapit ang kanyang birthday ay ang magkaroon ng video greeting mula sa Pambansang Abs.
Sa guesting ni Herlene sa isang episode ng “Mars Pa More”, game na game siyang sumabak sa “On The Spot: First Impressions” segment kung saan kailangan niyang sagutin ang tanong na, “Nasira ang ilusyon ko tungkol sa artistang si ____ nang makilala ko siya sa personal dahil _____.”
Matapos mag-isip sandali, binanggit niya ang pangalan ni Jak na kasama na nga niya ngayon sa GMA Afternoon Prime mini-series na “Stories From The Heart: Never Say Goodbye.”
“Dati chinat ko siya 2017 sa Instagram sabi ko, ‘Kuya, pa-video greet naman mag-18 na ako, magde-debut na ako.
“Sabi ko sa kanya, ‘Pabati naman, crush na crush kita.’ Tapos hanggang sa ang chat ko na sa kanya, ‘Hindi na kita crush kasi 22 na ako hanggang ngayon hindi mo pa din ako binabati ‘e,’” chika ng komedyana.
Pahayag pa ni Hipon Girl, “Tapos sabi ko uli sa kanya sa chat, ‘Kuya, ano? Kumusta na? 22 na ako, follow back mo naman ako.’ Noong nakita niya, nagulat siya tapos sabi niya sa akin, ‘Hala! Oo nga. Ang cute mo naman.’
“Ngayon, may bati na siya sa akin. So, mabait pala siya in person akala ko suplado. Sa dami lang daw pala ng (mga nag-message sa kanya kaya) natabunan,” natatawa pang kuwento ni Herlene.
Aniya pa, hindi pa rin daw siya makapaniwala na kasama na niya ngayon sa serye si Jak at mas nakilala pa raw niya ito ngayon at nadiskubre ang kabaitan at pagiging humble nito.
Samantala, bukas na magsisimula, Oct. 18, ang “Stories From The Heart: Never Say Goodbye” sa GMA Afternoon Prime. Ito ang papalit sa nagtapos ng “Loving Miss Bridgette”.
Kasama rin dito sina Klea Pineda, Lauren Young, Snooky Serna, Mosang, Luke Conde at marami pang iba.
Ayon kay Herlene, napakaswerte niya at nakasama siya sa nasabing programa dahil bukod sa may trabaho siya ngayong panahon ng pandemya, marami rin siyang natutunan pagdating sa akting.
“Sobrang laking naging tulong sa akin kung talagang magiging artista ako. Ito yung parang nag-build sa akin para matuto pa sa lahat ng eksenang gagawin at kung paano mo hawakan yung character mo,” sey ni Hipon Girl.
Herlene Budol bumuwelta sa mga ‘golden bashers’; may hiling para sa magulang nina Toni at Alex
The post Herlene Budol may ibinuking tungkol kay Jak Roberto: Akala ko ano siya…hindi pala! appeared first on Bandera.
0 Comments