Art Atayde, Arjo Atayde at Sylvia Sanchez
NAG-FILE na rin ang award-winning actor na si Arjo Atayde ng certificate of candidacy (COC) para sa pagtakbong congressman sa 1st District ng Quezon City sa darating na 2022 elections.
Ngayong umaga pormal nang naghain ng COC ang Kapamilya actor sa tanggapan ng Commission on Elections National Capital Regionn (COMELEC NCR) sa Intramuros, Manila.
Inendorso ng incumbent mayor ng Quezon City na si Joy Belmonte ang kanyang kandidatura.
Todo suporta rin kay Arjo ang kanyang mga magulang na sina Sylvia Sanchez at Art Atayde na talagang sinamahan pa siya sa pagsusumite ng COC.
Ayon kay Arjo na itinanghal na Best Actor sa 2020 Asian Academy Creative Awards para sa digital series niyang “Bagman”, pagsisilbihan niya nang tapat ang District 1 ng Q.C..
Kasabay nito, nangako rin siya na hinding-hindi lolokohin ang kanyang mga kadistrito at lalong hindi raw siya magnanakaw sa kaban ng bayan.
Ilan sa mga issue na kasama sa plataporma ni Arjo ay ang sektor ng edukasyon, healthcare, employment, frontliners at ang paghahanap ng solusyon sa pagbaha sa West Riverside.
Pahayag naman ng kanyang inang si Sylvia, “Suportado kita anak. Kung papalarin kang manalo, magsilbi ka nang tapat at totoo.
“At huwag na huwag kang manloloko o magnanakaw dahil kapag ginawa mo yun ako mismo ang kakastigo sa iyo,” ang tila may pagbabanta pang sabi ng award-winning actress sa pagsabak ng anak sa politika.
Biro pa nga ni Sylvia, “sasapakin” daw niya si Arjo kapag nangurakot ito. Pero aniya, siguradong hindi naman daw ito magagawa ng anak dahil kilalang-kilala niya ang pagkatao at ugali nito.
Nitong Hunyo, nag-donate si Arjo ng mga service vehicles sa Quezon City government para makatulong sa logistics ng pamahalaang lokal sa paglaban kontra-COVID-19 pandemic.
The post Arjo nag-file na ng COC para sa pagtakbong kongresista sa QC; Sylvia may ‘babala’ sa anak appeared first on Bandera.
0 Comments