Manny Pacquiao
KINUMPIRMA na ni Sen. Manny Pacquiao na kakandidato siya sa pagkapangulo ng Pilipinas sa 2022 sa ginanap na PDP Laban National Assembly nitong Linggo ng hapon.
Kasabay naman nito ang pag-upload ni Toni Gonzaga-Soriano sa panayam niya kay Sen. Manny sa kanyang YouTube channel. Sa bahay ng mga Pacquiao sa Forbes Park, Makati City ginanap ang interbyu.
Tanong ni Toni, “Now that you’ve declared running for presidency, what is the mission of Manny Pacquiao?”
“Ito lang kasi marami silang narinig about sa plano ko sa bansa natin ‘yung ipakulong ‘yung mga kawatan sa gobyerno, palakasin ang mga ekonomiya natin, mabigyan ng trabaho, mabigyan ng sustainable na livelihood an gating mga kababayan and then bawa’t pamilya ‘yung housing natin. ‘Yun talaga ang (main goals) ko.
“Kaya nu’ng nasa Amerika ako nakagawa ako ng 22 rounds priority agenda for the country,” aniya pa.
Inulit ni Toni ang tanong kung mismong si Pacquiao ang nagsulat ng 22 rounds priority, “Ako ang naggawa no’n,” mabilis na sagot ng Pambansang Kamao.
Hindi binanggit ng kakandidatong presidente kung ano ‘yung “22 rounds of priority” dahil masyado itong mahaba pero ang nauuna sa listahan niya ay ang fight against corruption, ikalawa ang economic growth and development, ang ikatlo ay ang employment, ang ikaapat ay ang free housing, ikalima ang improved health care services habang ang sustainable livelihood ang ikaanim.
“Sa bawa’t round may mga explanation ‘yan. At mabibigyan natin ng livelihood, pangkabuhayan ang bawa’t pamilya. Magagawa natin ‘yan basta’t bigyan natin ng importansiya ‘yung round number 1, ‘yung pagsugpo ng corruption. Hindi lang sila matanggal sa posisyon kundi makita natin silang makulong silang lahat,” paliwanag ni Pacman.
Sundot ni Toni, “Ipakulong silang lahat? Ang dami po no’n.”
“Makulong silang lahat! Kapag nakulong na, puwede na akong umayaw sa politics,” diin ng senador.
“Talaga po? Mapakulong n’yo lang?” balik-tanong ni Toni.
“O, mapakulong ko lang silang lahat kasi masama ang loob ko kasi nakikita ko ‘yung mga taong naghihirap at nagugutom.
“’Yang commitment ko na ‘yan hindi lang commitment ko sa tao kundi commitment ko sa Panginoon. Doon ako nag-aano (nangako) sa Panginoon hindi sa tao.
“Kasi pag sa tao parang niloloko mo, puwede mong bawiin, eh. Puwede mong hindi tuparin, puwede mong tuparin pag sa tao. Pero pag sa Panginoon ka obligado mong tuparin ‘yan,” paliwanag ng senador.
Ang isa pang tanong ni Toni, “Puwede n’yo naman gawin ang lahat ng ‘yan, tumulong kayo bigyan n’yo ng livelihood ‘yung ating mga kababayan ng wala kayong posisyon sa government. Ano po ‘yung importance ng posisyon sa inyo sa government?”
“Tama ‘yan. Marami na akong nabigyang pamilya, mga livelihood, napa-graduate na mga estudyante mula pa noong 2004-2005 may mga napa-graduate na ako na hanggang ngayon.
“Kaya lang limited lang ‘yung (resources), siyempre ‘yung hard earned money ko hindi naman ganu’n kalaki, di ba? Biruin mo ‘yung libong pamilyang nabigyan ko ng house and lot ako mismo nagsosorpresa bisita sa kanila ‘yung mga nakatira sa ilog, kukunin ko ang mga pangalan nila tapos dadalhin ko sa Pacman village ko natutuwa sila sa GenSan (General Santos) at Sarangani,” pahayag ni Manny.
“’Yan po ang nagawa n’yo sa GenSan na ang dream n’yo ay magawa sa buong Pilipinas?” tanong ulit ni Toni.
“Kayang-kaya, sobra-sobra pa. In-estimate ko nga eh, in three to four years mabigyan ko lahat, pero sinabi ko four to five years para hindi ako maging sinungaling.
“Ako kasi doon ako sa tama. Ayokong maging trapo politician na, ah, kasi kakampi ko ‘to na pagtakpan ko kahit maraming corruption? Sasabihin ko, ‘walang corruption, hindi ako ganu’n, eh.
“Kakampi tayo, magkasama tayo, support ako sa mga programa mo pero pagdating sa masama, pasensiyahan tayo,” diin ni Pacquiao.
Halimbawang manalo bilang presidente ng Pilipinas si Manny Pacquiao, paano ang boxing career niya? At dito na inamin ng Pambansang Kamao na, “Boxing career ko? Tapos na ‘yung boxing career ko.”
Sundot ni Toni, “Kapag nanalo kayo (tapos na)?”
“Tapos na kasi matagal na rin ako sa pagboboksing at ‘yung pamilya ko laging nagsasabi, ‘tama na.’
“Nagtuloy-tuloy lang ako kasi passionate ako dito sa sport na ‘to. Magsu-support na lang ako ng mga boksingero para magkaroon tayo (Pilipinas) ng champion ulit.”
At ang hamon ni Manny sa mga taga-gobyerno, “Kaya magdasal na diyan ‘yung mga kawatan sa gobyerno, magdasal na huwag akong manalo kasi hindi ako nagbibiro, totohanin ko talaga (ipapakulong ko).”
Dagdag pa ni Pacman, “Nagtataka ako bakit nagagalit sa akin ang Pangulo (Rodrigo Duterte) na in-expose ko ang corruption sa bansa natin. Gusto ko nga makatulong, eh na ma-expose. Talamak ang corruption sa bansa natin, mali ba ako?”
The post Pacquiao patutumbahin lahat ng magnanakaw: Pag nakulong na sila, puwede na akong umayaw sa politics appeared first on Bandera.
0 Comments