ISA NA namang buhay na saksi kung gaano ka-generous magbigay ng tulong niya si Angel Locsin sa mga taong nangangailangan at first time itong narinig sa matagal ng panahon, si Lester Llansang.
Ito ‘yung panahong manganganak ang misis ni Lester pero wala siyang budget at kasalukuyan siyang tumutugtog sa bar and restaurant na pag-aari ni Angel na Fuel and Up na matatagpuan sa may Don Antonio Heights, Quezon City.
Naikuwento ito ni Lester sa kilalang talent manager at vlogger na si Ogie Diaz sa YouTube channel nito.
Napag-usapan kasi kung sino ang mga artistang hinahangaan ni Lester pagdating sa pakikipag kapwa tao at magaling umarte.
“Si Gelocs kung tawagin ko siya,” sambit nito.
Bago sa pandinig kaya sino siya?
“Angel Locsin,”diin ni Lester.
‘Bakit ano ginawa ni Angel,’ tanong ni Ogie.
“Kasi ‘yung time na tumutugtog ako sa bar niya rati sa may Don Antonio (heights), lalabas ‘yung anak ko, manganganak ‘yung misis ko. Tapos wala akong budget, nakaipit ‘yung budget, si Angel ‘yung sumagot ng buong bayarin [ko] sa hospital tapos ninang pa siya [ng anak ko].”
Nanlaki ang mga mata ni Ogie at taning nasabi lang, “talaga? Katuwa naman si Angel. Hindi ka naman binalikan para singilin?”
“Hindi ganu’n si Angel, eh. Hindi siya ganu’n. Nakakatuwa hindi siya ganu’n,” panay ang iling na kuwento ni Lester.
At ano ang nasabi ng aktres kay Lester, “wala na, sabi ko lang ‘Gel sobrang thank you. Tapos sabi niya, ‘basta tutugtog ka pa rin sa bar ko ha?’ ganu’n lang.”
Sabi pa ng aktor, “tapos natuwa ako kasi binati niya ako ng birthday ko, at huwag daw ako mawawala sa kasal nila, e, hindi naman natuloy kasi bilang lang ‘yung pupunta. Nakakatuwa. Okay si Angel.”
Sabi naman ni Ogie, “ang dami ko na ring naririnig tungkol kay Angel puro mga off the record naman, I mean puro mga hindi napo-post pero alam mo ‘yun may mga tao talagang likas ang bait. Nasa buto na ang kabutihan hindi ‘yung paimbabaw lang.”
Kaya tinanong ni Ogie kung ano ang maipapayo ng aktor sa mga artistang malalaki ang ulo at sa mga baguhan.
“Sana isipin nila na ang pag-aartista trabaho lang. ‘Wag natin ‘tong gamitin para mang-apak tayo ng ibang tao. ‘Wag natin gamitin ang pangalan porket sikat tayo o malaki ang kinikita natin o manggamit ng ibang tao para umangat ka at iiwan mo ‘yung taong ‘yun pag okay ka na, ‘wag dapat mangyari,” seryosong pahayag ni Lester.
Ano ginagawa ni Lester sa mga taong binago ng kasikatan.
“Hinahayaan ko kasi respeto, eh. May respeto kasi ako sa tao pag nauna siya o mas nauna ako sa kanya,” katwiran ng aktor.
Nakilala naman noon si Lester dahil marami siyang projects noon at may Famas Best Child Actor award siya sa pelikulang “Sarangola” noong 1999.
Pero para sa kanya, “hindi ko siniksik sa ulo ko na artista ako. Kasi kahit noon pa mapapasakay mo ako ng dyip, mapapasakay mo ako sa traysikel, pedicab. Although may mga papaunahin ka sa pila pag nakita ka o kaya may discount, pero hindi ko siya hinihingi na, ‘oy artista ako paunahin mo ako sa pila o artista ako bigyan mo akong discount, hindi! At nagpapasalamat din ako sa mga nagpalaki sa akin ang paga-artista ay trabaho lang at hindi siya pagkatao.”
Sana mabasa ito ng ilang artista lalo na ‘yung mga bago palang sa showbiz industry ang panayam na ito ni Lester kay Ogie o panoorin ang YT channel na Ogie Diaz.
The post Lester Llansang hanga sa kabutihan ni Angel Locsin; may payo sa mga baguhang artista appeared first on Bandera.
0 Comments