Ang sobrang pagtatanggol ni Pangulong Duterte sa sinasabing overpriced na face shields, face masks, PPEs at sa mga ilang sinasangkot na personalidad dito ay nagpapaalala sa atin kung papaano ipinagtanggol ni Duterte ang China sa walang habas nitong pananakop ng ilan nating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Gaya sa usaping WPS kung saan nagmistulang “Atty. Duterte” – representing China – ang ating pangulo laban mismo sa territorial interest ng ating bansa, ngayon naman, tila umaakto siya bilang abogado o “Atty. Duterte” kontra sa mga nagsasabi at nag-iimbestiga na may corruption at overpriced sa pagbili ng bilyun-bilyong face shields at iba pang medical gears at equipment. Dahil dito, para na rin pinagtatanggol ni Duterte ang ilan sa mga sinasangkot sa usaping ito. Ang pag-aabogado (lawyering) ni Duterte tungkol sa tinagurian ngayon na face shield scandal na kasalukuyang iniimbestigahan ng Senado ay salungat mismo sa kanyang pinangako at pinagmamalaking isang anti-corruption government.
Matatandaan na noong sa kasagsagan ng usaping pananakop ng China sa ilan nating teritoryo sa West Philippine Sea, imbes na itaguyod at ipaglaban ang ating interest, halos umaktong abogado at taga-pagsalita ng China si Duterte ng hayagang nitong sabihin na ang desisyon ng UN Arbitral Tribunal kung saan kinilala ang ating karapatan sa WPS ay isang kapirasong papel lamang, walang halaga at nararapat lang sa basura. Ganito rin ngayon ang ginagawa ng Pangulo sa usaping face shield scandal.
Mula ng napabalita at inimbestigahan ng Senado ang face shield scandal, publikong pinagtanggol agad ni Duterte ang DOH, DBM at ilan sa mga sinasangkot dito. Paulit-ulit na sinabi at pinag-giitan na walang corruption at overpriced na nangyari.
Hindi tumigil si Duterte sa personal na pagtatanggol sa mga ito. Ginamit din ni Duterte ang kanyang weekly-late-night public address na kung saan sana ang dapat pag-usapan ay ang tungkol sa umiiral na pandemya at kung papaano mareresolbahan ito upang maibsan maski konti ang paghihirap ng taong-bayan. Sa kanyang mga public address, isinantabi ni Duterte ang usaping pandemyang COVID-19 upang paulit-ulit igiit sa taong-bayan na walang corruption na nangyari, na walang overpriced sa pagbili ng mga face shield at ibang medical gears at equipment. Sinamantala rin ni Duterte ang kanyang mga public address upang paulit-ulit na insultuhing personal at pagbantaan ang ilang senador, partikular si Senator Richard Gordon. Pati ang Senado at COA na mga constitutional independent office ay hindi ginalang at pinalagpas, inakusahan ng corruption at pinagbantaan ang mg ito.
Matapos ang urong-sulong na pinalabas na patakaran (policy) sa pag-attend ng kanyang mga Cabinet secretaries sa ginaganap na Senate hearing tungkol sa face shield scandal, na malinaw naman na hindi naaayon sa kaso ng Senate vs. Ermita na denisisyunan ng Supreme Court noong 2006, tumutok naman si Duterte laban sa Philippine Red Cross (Red Cross). Sinabing dapat itong i-audit ng COA at inutusan si Solicitor General Jose Calida upang hingin sa COA na i-audit ang Red Cross. Nakalimutan na siguro ni Duterte na ang COA ay isang independent body na hindi niya maaaring utusan. Hindi niya rin siguro alam na ang Red Cross ay isang private entity na hindi maaaring i-audit ng COA. Nitong Lunes lang, sinabi rin ni Duterte na dapat imbestigahan ang Red Cross dahil sa mga maling COVID-19 test result nito. Inugnay din ni Duterte sa corruption si Gordon dahil daw ginamit nito ang kanyang PDAF sa Red Cross. Si Gordon ay tumatayo bilang chairman at CEO ng Red Cross.
Wala tayong makitang ibang dahilan kung bakit pinipilit ni Duterte na imbestigahan at i-audit ang Red Cross, kung hindi upang ilihis lamang ang isyu at pansin ng taong-bayan tungkol sa face shield scandal. Isang cheap diversionary tactics na hinid umobra o uubra dahil halatang-halata naman ang pakay ng pangulo.
Ang isyu ay napaka-simple. Ito ay kung mayroon nga bang nangyaring corruption at overpriced sa pagbili ng face shields at iba pang mga medical gears at equipment. Hindi mareresolba ang isyung ito sa pag-audit at pag-imbestiga sa Red Cross. Walang kinalaman sa isyu ang Red Cross, kaya huwag na sana itong kaladkarin ni Duterte sa usaping face shield scandal.
Naisulat natin noong nakaraan na ginagawa ni Duterte ang lahat ng paraan upang maipatigil ang nagaganap na imbestigasyon sa Senado. Ang patuloy na pag-aabogado (lawyering) ng Pangulo sa usaping face shield scandal ay hindi nakakabuti sa kanya at sa bansa. Lalo lang nagdududa at naghihinala ang taong-bayan tungkol dito.
Hayaan na lang sana ni Duterte na gampanan ng Senado ang kanilang constitutional duty na mag-imbestiga in aid of legislation. Siya na rin mismo ang nagbigay ng katiyakan na walang anomalya, corruption at overpriced na nangyari sa pagbili ng mga medical gears at equipment, kaya walang dapat na ikatakot. Kung walang tinatago o walang kasalanan, hindi dapat matakot, ika nga.
The post ‘Atty. Duterte’: Tagapagtanggol ng China sa WPS at face shield appeared first on Bandera.
0 Comments