Aiko Melendez
NANG dahil sa spicy ramen, tinahi ang noo ni Aiko Melendez.
Unang beses kumain ng aktres ng spicy ramen at hindi pa naging maganda ang experience niya dahil sumama ang pakiramdam niya kaya agad siyang pumunta ng banyo.
“While eating the spicy Korean ramen which was my first time na kainin kagabi (Martes), habang kinakain ko, parang I felt na ‘yung tiyan ko bumabaliktad na kasi sobrang spicy pero bilang matigas ang ulo ko pinipilit ko pa ring kainin.
“So, until finally nag-burf ako, so feeling ko gusto kong ilabas ‘yung nakain kong spicy part.
“So, nu’ng nag exert ako ng effort sa sink, pag ganu’n (yumuko) ko, bigla na lang akong nahilo and ‘yun tumama na ‘yung ulo ko sa sink,” paglalarawan ni Aiko sa nangyari sa kanya.
Kaagad itong kinlaro ng aktres sa pamamagitan ng kanyang YouTube channel dahil may tsikang binugbog siya o nakipag-away para hindi na magkaroon ng iba’t ibang kuwento.
Pagtama ng noo ni Aiko sa sink ay napahiga na siya sa floor at doon na siya nakita ng kapatid niyang si Michiko na nagsisigaw dahil tuluy-tuloy ang tulo ng dugo mula sa noo niya.
“Ganu’n pala yun kapag may sugat o putok ka sa ulo na malaki hindi mo pala mararamdaman na may dugo na tumutulo or may pain kasi parang na-black out ako at nakita ko ‘yung sister ko sabi ko, ‘I’m okay, I’m fine don’t panic’ kasi ‘yung sister ko was really frantic already.
“Then si Marthena (bunsong anak) was rushing, ‘mom, mom how are you?’ Sabi ko ‘I’m fine don’t panic.’
“Si Andrei nandoon na and they call up my brother si Angelo kasi nurse ‘yun, vinideo call nila ako kung ano ang gagawin and medyo malaki…malaki at malalim ‘yung sugat at putok ng ulo ko. Malalim at kailangan tahiin, so, sabi ng brother ko, ‘bring ate sa nearest hospital.’”
Dito na nakaramdam ng takot ang aktres dahil halos lahat ng hospital ngayon ay pahirapang makapasok dahil nga puno lahat dahil sa patuloy na pagdami ng COVID cases.
“Hindi safe sa hospital dahil sa covid cases, nandoon ‘yung fear, nandoon ‘yung anxiety. So, si Andrei rushed me to the hospital.
“Sa ikatlong hospital finally nakahanap kami ng hindi gaanong jampacked and I’m still bless kasi ‘yung hospital na ‘yun hindi tumatanggap ng covid patients.
“So, nabawasan ‘yung anxiety ko although ‘yung mga eksena sa ER (emergency room) nakakaloka kasi may patay na dumarating,” tuluy-tuloy na kuwento ni Aiko.
At habang nasa ER siya ay ka-text niya ang direktor nilang si Gina Pareño sa seryeng “Prima Donnas” na nabasa raw ang post niya sa Facebook page nito na naghahanap ng cosmetic surgeon na siyang tatahi sa noo niya.
“Siyempre very crucial ‘to dahil mukha ito and a lot of things played in my head like ‘yung Primadonna show paano, mag start (taping) na kami, so, siyempre ‘yung healing process pa nitong sugat ko, basta ang dami na,” sabi pa ng aktres.
Ang boyfriend ni Aiko na si Zambales Vice Governor Jay Khonghun ay nag-panic na rin at gusto na ring lumuwas ng Maynila pero pinigilan siya ng aktres at sinabing okay na.
“Actually, ako lang ‘yung pasyenteng kalmado pa sa kanila although siyempre deep inside kinakabahan talaga ako kasi mukha ito. Ito ang bread and butter ko tapos biglang nagkaganyan,” sambit pa ng mama nina Andrei at Marthena.
At isa-isang pinasalamatan ni Aiko ang lahat ng tumulong sa kanya sa ER, ang doktor na tumahi sa malalim niyang sugat, ang mga kaibigang concerned sa kanya na tumawag, nagpadala ng mensahe at iba pa na hindi na niya iisa-isahing sagutin.
Ipinakita rin ni Aiko ang X-ray film niya na labis din niyang ipinagpapasalamat dahil walang fracture.
Nabanggit din ni Aiko na sobrang pasalamat niya dahil hindi nadamay ang mata niya dahil sobrang lapit ng sugat nito na ayon sa doktor na tumahi ng sugat ay sobrang lapit sa nerve ng mata niya.
“Alam ko matagal na healing process ito, pero sa panahong ito I’d rather na ganito kaysa maysakit ng ibang klase na alam kong hindi gagaling, di ba? At least ito gagaling,” say pa ng aktres.
At bago nagpaalam si Aiko ay pinayuhan din niya ang publiko na laging mag-iingat at laging mananalangin para sa lahat ng may karamdaman.
The post Aiko naaksidente sa loob ng CR matapos kumain ng spicy ramen: Malalim ‘yung sugat at putok ng ulo ko appeared first on Bandera.
0 Comments