Wowie de Guzman at anak na si Raff
MATINDI rin ang mga pinagdaanang pagsubok sa buhay ng dating matinee idol at leading man na si Wowie de Guzman.
Ayon sa actor-dancer, naging mahirap din para sa kanya ang humanap ng regular na pagkakakitaan ngayong panahon ng pandemya pero aniya mas marami pa raw siyang naranasang mas grabeng challenges in the past.
In fairness, nagamit talaga ni Wowie ang talento sa pagsasayaw para maipagpatuloy ang kanyang buhay at masuportahan ang pamilya matapos mawalan ng mga proyekto sa showbiz.
Isa na kasi ngayong licensed zumba instructor si Wowie at hindi lang sa Pilipinas rumaraket ang aktor dahil pang-international na rin ang kanyang talent.
Naikuwento ito ni Wowie sa Kapuso inspirational show na “Stories of Hope.” Aniya, taong 2017 nang imbitahan siya ng kaibigang Zumba instructor na maging guest sa isa nitong Zumba event.
“Noong time na sumampa na ulit ako ng event at nakita ko maraming tao, natuwa ako because ‘pag nagtuturo ako, nasusundan nila.
“Doon na ako nagkaroon ng idea na parang mas gusto ko ito kasi unang una, dancer ako, and at the same time, matutulungan kang pumayat, so nag-full time ako,” pahayag ni Wowie na ilang beses ding naging ka-partner ni Judy Ann Santos sa mga pelikula at teleserye noon.
“Mas nag-e-enjoy ako roon sa pagsasayaw kasi ang tagal ko nang hindi nagsasayaw eh, puro acting. Tapos naranasan ko ulit mag-perform in front of so many people.
“Bilang isang performer, noong naramdaman ko ulit siya, na-enjoy ko siya,” sey pa ng dati ring miyembro ng sikat na sikat noong Universal Motion Dancers.
Nakuha ng aktor ang kanyang lisensya bilang Zumba instructor noong 2018 at mula nga noon ay nagtuluy-tuloy na ang pamamayagpag niya bilang ZI.
Ngunit natigil nga ang pagtuturo niya nang magkaroon ng COVID-19 pandemic at ipatupad ang lockdown sa bansa.
“Tandang-tanda ko kasi nasa stage ako noon, may event kami I think sa bandang Nueva Ecija, sumasayaw. Tapos after naming sumayaw ng 10 minutes, may dumadating na na barangay at pinatitigil na ‘yung event,” pagbabalik-tanaw ni Wowie.
Pero nakakita siya ng bagong oportunidad para kumita kahit may lockdown. Nagsimula siyang bumuo ng grupo ng dancers para sa online dance classes at dito na nga nila na naisip na magsimula ng Zoom classes kung saan pati ang mga nasa ibang bansa ay maaaring mag-enrol sa kanilang klase.
Ayon kay Wowie nang mapag-usapan ang mental health sa panahon ng pandemic, “Hindi ko masasabing dumaan sa depression na sobrang na-depressed. Kung depression lang, may mas matitinding depression din akong pinagdaanan dati.
“So, siguro isang paraan din ‘yun para lumakas ‘yung loob ko na kakayanin natin itong pandemic. Siguro masasabi ko na pinatibay na ako ng mga past na experience ko.”
Mag-isa ring itinaguyod ni Wowie ang anak nila ng yumaong asawa na si Sherryl Ann Reyes. Mula nang mabiyudo, hindi na nakipagrelasyon uli ang aktor at itinuon ang lahat ng kanyang atensyon sa anak na sa Raff.
“Sobrang haba ng quality time ko with Raff (nitong pandemic), grabe, as in thankful ako. Kahit paano, safe kaming dalawa, iyong family namin,” aniya sa isang hiwalay na interview.
“With Raff, para kasi kaming magbarkada, e. Kahit na six years old na siya, lagi kaming parang magbarkada.
“Gusto ko kasi open kami sa isa’t-isa, para pagtanda niya, hindi siya magtatago sa akin. At the same time, may respect ako sa anak ko, pinapakita ko sa kanya para ma-instill talaga sa isip at puso niya,” pahayag pa ni Wowie.
The post Wowie dumaan din sa matinding pagsubok, depresyon: Pinatibay na ako ng mga past experience ko appeared first on Bandera.
0 Comments