Vincent del Rosario
MAS gusto ng Del Rosario family na maging supplier ng talents sa ABS-CBN o Kapamilya network kaysa bilhin ito matapos mawalan ng prangkisa noong 2020.
Sa nakaraang zoom mediacon ng Vivamaxxed ay natanong si Boss Vincent del Rosario, President at COO ng Viva Comm. Inc kung bakit mas ginusto nilang gumawa ng bagong online platform o sariling streaming app para maipalabas ang mga pelikula nila kaysa magkaroon ng sariling network.
Napangiti muna ang Viva boss sabay sabing, “Hindi naman, hindi namin naisip ‘yun. We’re happy to be the partner and supplier to the networks, again I say si boss Vic ng Viva ay gustong makatrabaho lahat.”
Nasubukan na raw nila ang free to air na negosyo tulad ng mga programang pinrodyus nila noon tulad ng “Who Wants to be a Millionaire”, “Search for a Star” at PBA at na-realize nila na para lang iyon sa mga malalaking kumpanya.
“Okay na kami to be a supplier and a partner for networks. Hindi sumagi sa isip namin ‘yun,” paliwanag ni boss Vincent.
Personally ay pinangarap ba ito ng Presidente at COO ng Viva, ang magkaroon ng sariling network? “I guess in a way, ito ‘yung parang network (streaming app) na sinasabi sa amin ni boss Vic, eh, ito na ‘yung parang network natin.
“We can produce the content that we want and introduce and make new stars and give work to plenty of people, so, in a way network ang tingin namin sa platform I think ito na ‘yung nearest network na hindi namin naisip (magkaroon),” paliwanag ni boss Vincent.
Sa loob lang ng pitong buwan simula nu’ng i-launch ang Vivamax noong Enero, 2021 ay patuloy na dumarami ang subscribers nila na mahigit na sa 600,000 kaya naman linggu-linggo ay may mediacon ang Viva Films para sa mga pelikulang ipalalabas nila every two weeks.
Sagot nga ni boss Vincent sa tanong namin kung ilan ang quota nila ngayong 2021 dahil ang dami-dami pala nilang pelikulang sinu-shoot at tapos na, “We plan to make at least 50 by end of this year.”
Samantala, todo-todo ang suporta ng Viva sa mga bago nilang artista tulad nina AJ Raval at Sean de Guzman sa pelikulang “Taya” na idinirek ni Roman Perez, Jr., dahil habang sinusulat namin ang balitang ito ay may advance screening ang movie sa KTX.ph at mapapanood naman ito sa Agosto 27 sa iWantTFC, TFC IPTV at Vivamax.
The post Viva may balak nga bang magtayo ng sariling TV network? appeared first on Bandera.
0 Comments