AMINADO ang Kapuso TV host at aktor na si Ken Chan na ang role niya sa upcoming Kapuso series na “Ang Dalawang Ikaw” ang pinakamahirap na karakter sa lahat ng ginampanan niya sa kanyang mga teleserye.
Hindi biro ang naging paghahanda niya sa pagganap bilang isang lalaking na-diagnose ng dissociative identity disorder (DID) na may dalawang magkaibang personalidad.
“I underwent a lot of processes for this. Unang-una, kailangan kong sumailalim sa matinding workshop, we had a character sketch, how we dressed. Talagang nag- experiment kami for two months bago sumalang sa lock-in taping,” kuwento ng aktor sa nakaraang virtual mediacon ng GMA para sa “Ang Dalawang Ikaw.”
“And also thorough research, kasi alam naman nating napaka-sensitive na topic nito. It’s all about DID and it’s no joke. Nanood din ako ng movies and documentaries that have something to do with personality disorders,” aniya pa.
Bukod sa paghahanda sa kanyang role, may separate workshop din si Ken kasama ang dalawa niyang leading lady sa serye na sina Rita Daniela at Anna Vicente.
“Malaking tulong din po that we had a doctor, a psychiatrist on set and she’d guide me on how people with this condition, with DID act, because we want the information we’ll show to our viewers to be right. Ayaw talaga naming magkamali,” pahayag pa ng binata.
“This is the hardest role I worked on in my entire career at GMA. Akala ko nga ‘Special Tatay’ na ang pinakamahirap, may mas totodo pa pala. This is the hardest role I have played,” sabi pa ni Ken.
Patuloy pang pahayag ng binata, “Naniniwala ako na ang serye namin na ay magiging instrumento para ipaintindi sa viewers kung ano ba ang tunay na pinagdadaanan ng mga taong may DID.
“Nais naming iparating sa kanila na huwag tayo agad-agad manghuhusga ng mga tao. Hindi natin alam na ang mga taong ito ay may pinagdaraanan o kaya naman ay mayroon na pala silang DID hindi lang natin alam o hindi rin nila alam dahil wala silang proper diagnosis dahil sa kakulangan sa pera.
“Huwag tayo manghuhusga ng tao. Intindihin, unawain at suportahan natin ang bawa’t isa. Leave no one behind,” dagdag pa niyang paliwanag.
Ibinahagi naman ni Rita kung ano ang sikreto sa matagumpay na on-screen chemistry nila ni Ken, “We’re so comfortable with each other and we always give our 100% in everything we do, mapa-acting, hosting, or performing.
“I believe na Ken brings out the best in me and the same goes with him. Sa tagal na namin magkasama sa industriya, alam na namin kung paano namin aatakehin ‘yung roles namin both as individuals and as a tandem. I’m really happy and excited to be working with him in a series again,” sey pa ng singer-actress.
Samantala, todo naman ang pasasalamat ni Anna sa Kapuso Network sa tiwalang ibinigay sa kanya para maging bahagi ng tinaguriang advocaserye ng GMA.
“It is really a blessing for me na pagkatiwalaan ako ng GMA na mapabilang sa isang napakagandang proyekto na ito. I am really thankful to them for giving me the opportunity to showcase my talent and to grow and learn more as an actress,” aniya.
Makakasama rin sa serye sina Jake Vargas, Dominic Roco, Lianne Valentin, Joana Marie Tan at Jeremy Sabido.
Sa direksyon ni Jorron Lee Monroy, mapapanood na bukas ang world premiere ng “Ang Dalawang Ikaw” sa GMA Afternoon Prime.
The post Ken sa bagong adbokaserye: Ipakikita namin ang tunay na pinagdaraanan ng taong may DID appeared first on Bandera.
0 Comments