HINDI pa rin sumusuko si Pangulong Rodrigo Duterte sa “panliligaw” kay Willie Revillame para mapilit itong tumakbo sa darating na national elections.
Patuloy na kinukumbinsi ng Presidente ang TV host-comedian na pasukin na rin ang mundo ng politika para mas marami pa siyang matulungang Filipino.
Ayon kay Duterte, naniniwala siya sa kakayahan at kapasidad ni Willie na makapagserbisyo sa sambayanan dahil sa ipinamamalas niyang pagmamahal at malasakit sa masang Pinoy.
Sa isang video message, diretsahang sinabi ng Pangulo na nais niyang tumakbong senador ang Kapuso TV host sa Eleksyon 2022 at nangangako siyang susuportahan niya nang bonggang-bongga ang kandidatura nito.
“Willie, si mayor ‘to. Kumusta ka? Matagal na tayong ‘di nagkita pero palagi kitang naaalala dahil gusto ko sanang maging senador ka,” simulang mensahe ni Duterte sa host ng “Wowowin.”
Alam daw ng Pangulo na talagang nagdadalawang-isip si Willie na pasukin ang mundo ng politika. Sinabi rin sa kanya ng kanyang top aide na si Sen. Bong Go na talagang wala sa plano ng komedyante ang tumakbo sa kahit anonh posisyon sa gobyerno.
“Pero ganu’n pa man open ang slot until the last minute. Kung ayaw mo na talaga eh, ‘di pwede na tayo mag-usap ulit,” ang pahayag pa ni Duterte na mukhang walang balak sumuko sa pangungulit kay Willie.
Sa huling bahagi ng video, muling ibinandera ni Duterte ang kanyang pagsuporta sa TV host at ipinagdiinan pa ang pagsaludo niya rito bilang matulunging Filipino, “Bilib ako sa appeal mo sa masa.”
* * *
Hindi na maitago ng Kapuso actress na si Faith da Silva ang kanyang excitement na maipalabas na ang GMA Afternoon Prime drama series na “Las Hermanas.”
Sa isang interview, ikinuwento niya ang naging paghahanda para sa karakter na si Scarlet, “Aside from workshops for my acting, nag-start ako mag-meditate, I kept working out.
“Before mag-start ‘yung lock-in taping, I was so pressured so I think nakatulong sa akin ‘yung pag-woworkout ko because naging confident ako. In this project, ibibigay ko talaga lahat ng meron ako, ibibigay ko ‘yung buong puso ko,” aniya pa.
Dagdag pa ni Faith, nakaka-relate siya sa role na ipinagkatiwala sa kanya dahil sa totoong buhay ay malakas din ang kaniyang loob at determinado siyang makuha ang gusto.
Ibinahagi rin niya kung anu-ano ang mga inimpake para sa nagdaang lock-in taping, “Ang dami kong dinala talaga! Mayroon akong blanket.
“Pescatarian ako, ang pinakamarami ko sigurong nadala is pagkain, healthy na snacks, Okra chips ko, lahat ng mga healthy na puwede kong dalhin na hindi masisira agad, dinala ko na,” natatawa pang sey ng dalaga.
Makakasama ni Faith sa “Las Hermanas” sina Albert Martinez, Yasmien Kurdi, Thea Tolentino, Jason Abalos, Jennica Garcia at marami pang iba.
The post Duterte tuloy ang ‘panliligaw’ kay Willie para sa Eleksyon 2022: Gusto kong maging senador ka appeared first on Bandera.
0 Comments