Naalala natin si Bea Alonzo at ang kanyang napaka-sikat na linyang “Bakit Parang Kasalanan Ko” sa pelikulang Four Sisters and a Wedding ng mabasa natin sa news online ang sinabi ng Pangulong Duterte noong Lunes sa kanyang taped weekly briefing. Ang kanyang mga sinabi ay pinag-usapan, tinuligsa, pinuri, binatikos, sinang-ayunan at pinag-debatehan ng ating mga kababayan at lider. Nagkalat din ang mga kumento at ibang mga pananaw sa mga iba’t ibang chat room at lalo na sa social media.
Hindi na bago ang ganitong eksena, maraming beses na rin nangyari ang ganito sa tuwinang magsasalita ang Pangulo, isang bagay na hindi nangyari sa mga dating pamahalaan. Katulad ng dati, agaran namang ipapaliwanag, o minsan babawiin o babaguhin ng Malacanang o ng ilang opisyal ang kanyang sinabi upang ito ay maitama. “Mali ang Pangulo” ito ang kulang na lang sabihin ng kanyang mga opisyal sa tuwing ipapaliwanag nila ang sinabi ng ating President. Lagi na lang may clarification kapag nagsalita si Pangulong Duterte.
“Itong mga gago na ayaw magpabakuna, they are really the carriers. They travel from one place to another carrying the virus, and contaminating other people. Ayaw magpabakuna eh, pabakuna ko yung bakuna para sa baboy, yung Ivermectin. Iyun yung ibakuna ko sa kanila, kung ayaw mong magpabakuna, ipaaresto kita.” Ito ang winika at banta ng Pangulo sa mga kababayan natin na ayaw daw magpabakuna. Isang typical na salita at pananakot na may tatak Duterte.
Bilang abogado at dating prosecutor, dapat alam ng Pangulo na walang basehan ang kanyang pananakot na ipaaresto ang mga taong ayaw magpabakuna. Maski isang ordinaryong law student ay alam ito. Walang batas na nag-uutos na magpabakuna laban sa COVID-19 ang lahat ng mamamayan. Walang batas na nag-uutos na arestuhin ang ayaw magpabakuna. Wala rin residual power si Duterte na gawin ito, maski siya pa ang pangulo ng ating bansa. Ang constitutionality ng ganitong klaseng batas, kung magkakaroon man, ay maaari naman ma-question sa korte dahil sa paglabag sa freedom of choice o religion o right to privacy. Isang magandang constitutional issue sa Korte Suprema, police power vs freedom of choice/ religion at right to privacy.
Hindi natin alam kung ito ay isa na naman rhetoric ng Pangulo. Isang bravado para ipakita na “under control ang pandemya”. O baka ito ay isang joke-joke episode na naman. Pero ang usaping bakuna at COVID-19 ay seryosong bagay na hindi dapat dinadaan sa biro-biro. Baka nga “for emphasis” lang o “to stress” ng kanyang pinupunto para malaman ng sambayanan kung gaano kaimportante ang pagbakuna.
Hindi nakuha o naintindihan ng Pangulong Duterte ang tunay na problema at isyu tungkol sa pagbakuna. Tila malayo siya sa realidad. Mali ang kanyang pananaw tungkol sa mga “taong ayaw magpabakuna” Marami sa ating mga kababayan ang gustong magpabakuna pero kulang ang bakuna. Walang bakuna na magamit dahil limitado lang ang supply na naibibigay ng national government sa mga local government units (LGUs). Ang sabi at ang sagot nga ng ating isang brod sa banta at pananakot ng pangulo “Asan na po ang pambakuna?” “Gusto namin magpabakuna pero wala naman sapat na bakuna.”
Sa madaling salita, gusto ng ating mga kababayan na magpabakuna pero walang bakunang magamit para sa kanila. Limitado lang ang bakuna dahil hindi nagawa ng pamahalaan ang kanilang kritikal na obligasyon na makakuha ng madami, o at least sapat na bakuna sa madaling panahon para magamit ng ating mga kababayan. Huli na tayo ng umarangkada para mamili ng bakuna. Huli na tayong gumalaw at gumawa ng aksyon upang makakuha ng mga iba’t-ibang brand na bakuna dahil tinutok ng ating pamahalaan ang mga resources nito sa pagkuha ng vaccine na gawa sa China.
Nakadagdag pa sa problema at isyu ang pananaw at pangamba ng ilan tungkol sa mga vaccine na “made in China.” May mga kababayan tayo na ayaw gumamit ng ganitong vaccine dahil sa paniwala nila na mahina ang efficacy rate nito. Hindi natin sila masisisi at karapatan naman nilang pumili ng bakuna na gagamitin sa kanila. Walang makakapilit kaninuman na gumamit ng specific brand na vaccine. Maski nga ang Pangulong Duterte mismo ay gumamit at pumili ng kanyang bakuna. Sinopharm ang tinurok sa pangulo imbes na yung Sinovac na kanyang mistulang inindorso sa ating bansa. Bakit nga pala Sinopharm at hindi Sinovac?
Bakit kasi inuna ng ating pamahalaan ang pagkuha ng vaccine na made in China, bago tuluyang kumuha ng Pfizer, Moderna, Astra-Zeneca at iba pa. Matatandaan na “someone dropped the ball” kaya hindi natin nakuha yung 10 million doses na Pfizer vaccine noong January na dapat ay nagamit na sa mga taong may duda sa bakunang made in China. Bakit ngayon lang tayo umorder at bumili ng 40 million doses na vaccine na gawa ng Pfizer kung alam naman natin na ito ang gustong gamitin ng nakararami? Bakit ba kasi pinagpilitan ang made in China na vaccine?
Gaya ng iba, hindi pa ako bakunado, hindi dahil ayaw kong magpabakuna. Nakalista ako bilang category A-3 sa aming lugar (LGU). Katulad ng iba, may karapatan din akong pumili kung anong bakuna ang gagamitin sa akin. Sana hindi na ako kailangan pumili kapag dumating na ang panahon na ako ay babakunahan.
The post ‘Bakit Parang Kasalanan Ko’: Paano magpapabakuna kung walang bakuna appeared first on Bandera.
0 Comments