Mahigit 30 milyon ang darating na COVID-19 vaccines ngayong buwan ng Mayo at Hunyo. Kabilang dito ang 5-M bakuna ng SINOVAC, 3.4-M ng ASTRAZENECA, 3.3-M ng SPUTNIKV, 2.2-M ng PFIZER-Biontech at 250K ng MODERNA.
Prayoridad ng pagpapakalat nito ay dito sa “NCR bubble” kung saan, inaasahang mababakunahan ang higit 9-M mga residente o 70 percent ng populasyon para matamo ang tinatawag na “herd community”.
Sa ngayon, meron nang 3,001,875 katao ang nabakunahan sa 3,784 vaccination sites sa buong bansa. Bumibilis na rin ang pagbabakuna na ngayon ay 70,000 bawat araw ngunit ang target ay gawin itong 100,000.
Karamihan sa nabakunahan ay mga medical frontliners , senior citizens at mga taong may comorbidities nasa A1 at A3 cagtegories. Meron nang panukalang bakunahan na rin ang mga economic frontliners at ang mga mahihirap na mamamayan.
Sa ngayon, dapat tandaan ng taumbayan na “libre” ang lahat ng bakunang ito na binayaran ng national government. Kung ikaw ay magpapabakuna sa PNRC, sisingilin ka ng P3,500 ayon sa kanilang advertisement, kayat malaking bagay na libre pa ito.
Gayundin, hindi ko sinisisi ang taumbayan kung bakit meron silang pinapaboran sa mga bakuna. Ito’y dahil talamak ang mga balita sa social media na mas magaling ang ganito o ganoong bakuna. Kaya naman, pinilahan ng higit 3,000 katao ang 900 doses ng Pfizer sa isang vaccination site sa Maynila. Ganoon din ang nangyayari sa Astrazeneca at Moderna. Gayunman, positibo rin ang mga resulta ng bakunang SPUTNIK V ng Russia na kamakilan ay ginamit sa Maynila, samantalang ang SINOVAC ng China ay napatunayan na ring magaling lalo sa mga seniors at laban sa mga bagong variants.
Kung susuriin, lahat ng mga bakuna ay inaprubahan ng World Health Organization (WHO) gayundin ng mga Pilipinong doktor na miyembro ng Vaccine panel ng DOH at ng Food and Drug Administration (FDA). Lahat ito ay subok na sa ibat ibang bahagi ng mundo at napatunayang mabisa. Kaya naman, dapat nang tigilan itong tinatawag na “vaccine hesitancy” o pagiging “choosy” ng mga mamamayan.
Doon sa mga taong nagbabalak na umiwas sa alinmang bakuna, mas lalo kayong mahihirapan kapag lumipas itong panahon ng libreng bakuna. Unang-una baka makamit na ang “herd immunity” at itigil nang gumastos ang gobyerno . Ikalawa, ang kawalan ng bakuna ay maglilimita sa inyong susunod na mga galaw. Baka hindi kayo makapag-travel, hindi makapasok ng mall, o kaya’y makakain sa mga restoran dahil hihingan ka ng full vaccination pass o certificate. O kung wala ka pang bakuna ay pwersahin kang magsuot ng “face mask” at “face shield” sa iyong mga biyahe.
Pero ang pinakamahalaga, mas protektado ka sa pandemya tulad ng nangyayari ngayon sa Italya, Israel, Amerika at iba pang bansa. Bumababa na roon ang bilang ng kanilang new COVID-19 cases, ganoon din ang bilang mga mga naoospital at ang mga namamatay. Sa mga bansang iyon, malapit nang maging normal ang mga negosyo kabilang ang mga “entertainment establishments” at maging mga “indoor activities”. Inihayag din ng US CDC na maari nang mag-alis ng face mask ang mga bakunadong mamaayan sa maraming estado sa Amerika.
Tamang tama talaga ang panahon ngayon para magpabakuna. Sobrang baba na ng Reproduction number (RN) na ngayo’y 0.57, kumpara noong October2020 -January 2021 na ang pinakamababa natin ay 0.87. Ang mga daily new cases sa Metro Manila ay nasa 1,479 na lamang kumpara sa dating 5,500 noong Abril 1.
Kung ako sa inyo, wag nang maging “choosy”, magpabakuna na hanggang libre.
(end)
The post Wag maging ‘choosy’ sa bakuna vs COVID-19 appeared first on Bandera.
0 Comments