Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

‘Surge’ sa NCR, lumipas na; GCQ balik na dapat

Nino Jesus Orbeta/Inquirer 

Patuloy ang pagbaba ng “reproductive number” ng COVID-19 dito sa Metro Manila mula sa mataas na 2.1 nitong Marso 29, sa mas mababang 0.67 nitong Mayo 8.  Inaasahan ng mga eksperto na ito’y magiging “stable” sa pagitan ng 0.70 hanggang 0.80 na normal nating RN bago sumapit ang nakaraang Pasko.

Noong kasagsagan ng “surge“, umakyat sa 7,000 hanggang 10,000 ang mga bagong kaso araw-araw sa Metro Manila. Pero, ito’y bumagsak na ngayon sa 2,000 kaso at inaasahang bababa pa sa 1,900 . Sabi nga ni Health secretary Francisco Duque, nakalampas na tayo at pero di dapat magluwag dahil baka bumalik sa nangyaring “surge” .

Sa totoo lang, maganda na ang mga numero, pero hindi pa dapat mag-kumpiyansa. Ngayong dumarating na ang mga “imported” na bakuna, lumalaki ang posibilidad ng “herd immunity”. Pero, tulad ng sinasabi ko, dapat unahin sa bakuna ang NCR at ang 6 na nakaikot na probinsya at prayoridad ang mga “seniors”, may “co-morbidities” at matataba, na totoo namang nanganganib sa COVID-19.

Gayundin, dapat nang alisin ang MECQ  at bumalik na tayo sa GCQ para makapag-hanapbuhay  ang ating mga mamamayan,  makabalik sa kanilang trabaho at gawain. Hirap na hirap na sila  at gusto nang magpagal at kumita ng sariling pera.

Pero, kailangan ang  puspusang  paghihigpit sa minimum health protocols. Pabor ako na arestuhin ang mga taong walang “face mask” o hindi maayos ang pagsuot nito. Tama iyong direksyon ng DILG at PNP.

Bigyan ng pauna at matinding “warning” ang mga “violators” at kung matigas pa rin ang mga ulo, ay kasuhan o parusahan ng “community service”. Pero, dapat ay kunan muna nila ng “litrato”, “in flagrante delicto” o huli sa akto ang mga lumalabag bilang  ebidensya.  At pagkatapos ilagay sila sa mga basketball courts o lugar sa baranggay sa loob ng siyam (9) na oras para bigyan ng tamang “lecture” na health protocols bago pakawalan.  Sa ganitong paraan, magtatanda ang mga matitigas ang ulo na mapeperwisyo sila kapag binalewala pa rin ang mga health protocols.

Bukod dito, higpitan din ang mga “mass gatherings” tulad ng nangyari sa Gubat sa Cudad resort sa Bagombong, Caloocan  city k, boundary ng Meycauayan, Bulacan , kung saan halos isang libong mga tao ang nag-Mothers day party na posibleng  “superspreader event”.  Nabugbog pa ang isang news crew ng ABC-5 sa naturang lugar. Nabulgar din na sa panahon pala ng ECQ, MECQ at GCQ, hindi pala nagsara ang Gubat sa Ciudad resort at bukas sa publiko.

Kaya naman, talagang dapat maparusahan dito o masibak sa lalong madaling panahon ang kapitan ng baranggay 171, Bagombong, Caloocan, kasama ang station commander ng Police community precinct 6 na siyang nakakasakop dito.

Sa totoo lang, hindi pa lantarang makakapag-operate ang Gubat sa Ciudad resort na ito kung hindi alam ng Baranggay at ng presinto. Marahil, totoo ang sinasabi ng mga reporter na ang resort na ito’y ginagamit daw ng baranggay at mga pulis sa kanilang mga kasayahan kaya nakakalusot. Sa ngayon, permanente nang ni-revoke ni Mayor Oscar Malapitan  ang business permit ng naturang resort at kakasuhan daw agad-agad ng RA-11322 o paglabag sa pandemic controls.

Ganitong mga aksyon ang kailangan natin ngayon.

 

 

The post ‘Surge’ sa NCR, lumipas na; GCQ balik na dapat appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments