“You are really stupid.” Ito ang sagot at tahasang pinahayag ng Pangulong Duterte sa mga naniwala at nag-uudyok na tuparin ang kanyang binitawang salita at pangako, na mag-jet ski sa Spratly Islands at itanim ang bandila ng Filipinas. Walang pakundangan pa nitong sinabi na ito ay bravado at isang biro lamang. Isang “pure campaign joke” na hindi dapat paniwalaan. Bago dito, nauna niya ng tinanggi at pinahayag na wala siyang pinangako na bawiin ang West Philippine Sea (WPS),o anuman tungkol sa China, noong bago mag-2016 presidential election.
Katulad ng kanyang pag-atras sa public debate laban kay former Supreme Court justice Antonio Carpio, naging mainit na talakayan sa social media ang pagtanggi ng Pangulo ng kanyang nasabing pangako tungkol sa WPS. Mga salita at pangako na sinasabi ng kanyang mga political allies at supporters na isang figure of speech lamang na hindi dapat literal na tinatanggap. Sa wika mismo ng Pangulo, ito ay hindi dapat paniwalaan dahil binigkas at pinangako ito sa panahon ng kampanya, isang bravado sa campaign election at isang biro lamang.
Hindi maikakaila na marami sa ating kababayan ang bumoto kay Pangulo dahil sa mga binitawan niyang salita at pangako tungkol sa WPS noong panahon ng kampanya. Sa makatindig balahibo at makabayang salita at pangako ng Pangulo tungkol sa jet-ski at pagtatanim ng bandila ng Filipinas sa WPS, nabuhay ang patriotic at nationalistic spirit ng maraming botante.
Karamihan sa mga botanteng ito ay inakalang isang makabayan na lider ang Pangulo matapos marinig o mabasa ang binitawang salita at pangako tungkol sa WPS. Sa salita at pangako ni Pangulo, inakala nila na ito ang lider na ipaglalaban ang ating teritoryo at soberanya (territory and sovereignty) laban sa agresibong pangangamkam ng China. Dahil sa salita at pangako nito, inakala nila na ito ang lider na may tapang at lakas ng loob upang tumayo para sa ating bansa laban sa isang superpower.
Pero binigo sila ng Pangulo at tayo ay nakiki-simpatya sa kanila. Ang taong ibinoto nila na nangakong ipaglalaban ang interest ng Filipinas sa WPS ay naging sunod-sunuran sa China. Nagmistulang tagapagsalita at tagapagtanggol ng China sa usaping WPS at tinuring isang kapirasong papel lamang ang desisyon ng UN Arbitral Tribunal na nauna ng nagpatibay ng ating pag-aari at interest sa WPS.
Its ironic, tragic and very painful, ika nga, na ang mga botanteng ito na maaaring nagluklok sa Pangulo sa kapangyarihan ay tinawag na bobo (stupid) ng mismong Pangulo dahil sila ay naniwala sa kanyang salita at pangako. Naniwala sa kanyang salita at pangako na ipaglalaban ang teritoryo at soberanya ng Filipinas laban sa China.
Ang pagtawag sa kanilang bobo matapos silang paniwalain ng Pangulo na isusulong at ipaglalaban nito ang teritoryo at soberanya ng ating bansa sa WPS laban sa China ay isang malaking pagkutya sa kanilang pagkatao. Isang sampal sa kanilang dunong dahil tila ba sinasabi ng Pangulo na naisahan sila nito. Isang pagtapak sa kanilang dangal dahil niloko na sila, mukang harapan pang sinabihan silang mga bobo.
Hindi natin masisisi ang mga botanteng ito na paniwalaan ang mga pahayag at pangako ng Pangulo noong panahon ng kampanya. Nadala sila ng kanilang patriotic at nationalistic duties na suportahan at iboto ang sa akala nila ang lider na isusulong at itataguyod ang teritoryo at soberanya ng bansa sa WPS. Malinis ang kanilang hangarin. Hindi nila akalain na isang biro lang ang mga binitawang salita at pangako ng Pangulo tungkol sa WPS. Isang laro laro lang upang makakuha ng boto.
Kasama tayo sa naniniwala na hindi biro-biro ang usapin tungkol sa WPS. Ito ay isang mahalagang bagay dahil teritoryo at soberanya ng ating bansa ang pinag-uusapan na nilalabag at patuloy na nilalapastangan ng China. Isang seryosong bagay at usapin at hindi dapat dinadaan sa pagbibiro ng Pangulo maski sa panahon ng kampanya. Mas lalong hindi dapat ito ginagamit upang manloko ng botante.
Ang masakit ay hindi lang sila sinabihan na bobo, sila ay malinaw na nalinlang din na iboto at suportahan ang Pangulo. Hindi nasabi sa kanila ng Pangulo o ng kampo nito bago mag-eleksyon na ang binitawang palang salita at pangako tungkol sa WPS ay isa lamang campaign joke. Isang biro at walang katotohanan at ibig sabihin. Alin o ano pa kaya sa campaign promise ng Pangulo ang biru-biruan lang?
Klaro na naloko ang ilang botante ng Pangulo na bumoto sa kanya dahil sa kanyang pangako sa WPS. Napaglaruan ang kanilang karapatang bumoto at pumili ng tunay nilang napupusuan ayon sa mga plataporma, programa at tunay na pangako ng mga kandidato noon sa pagkapangulo.
The post Ilan botante sa 2016 ni Duterte, naloko appeared first on Bandera.
0 Comments