LAHAT ng artista ay may karapatang maglabas ng saloobin at pagkadismaya sa mga nangyayari sa bansa lalo na kapag nararamdaman nilang parang may mali at sablay.
Yan ang paniniwala ng veteran actress na si Tetchie Agbayani na matapang ding nagpahayag ng kanyang frustration sa nangyayari ngayon sa Pilipinas.
Ayon sa award-winning actress, lahat ng Pinoy, celebrity man o hindi ay may karapatang kuwestiyunin ang kamalian ng mga government officials o magreklamo kung sa tingin nila ay may mali nang ginagawa ang mga ito.
“They say artista daw dapat stick to acting, stay apolitical, wag ka nang sumawsaw. But on the other hand, flip side of that, artists are citizens of this country as well.
“They have a voice, they have a unique position na because of their popularity mas pakikinggan sila,” pahayag ni Tetchie sa nakaraang virtual mediacon ng bagong Kapamilya series na “Init Sa Magdamag.”
Aniya pa, “If you see some injustice being committed, you cannot not speak. As a Catholic, as a Christian, merong nagaganap na hindi tama, hindi makatao, hindi maka-Diyos, obligasyon mo bilang anak ng Diyos na kumibo. Dahil kapag hindi ka kumibo, kinukunsite mo ‘yung mali na ginagawa.”
Sey pa ng beteranang aktres, hindi na raw niya kaya ang magsawalang-kibo, “Nasa iyo kung ano ang paninindigan mo, if you want to speak out or not.
“Pero para sa akin, mahirap nang hindi mag-speak up, eh. Lalo na pag marami nang namamatay, marami nang nagkakasakit, kulang ang nakikita mong nagaganap.
“How can you not react? As a Catholic, hindi ko maatim na magsawalang kibo at magbulag-bulagan, magpipipihan, magbingibingihan. Mas kailangan nating sabihin na hindi tama yan,” pahayag pa niya.
Samantala, proud na proud naman si Tetchie na napasama siya sa “Init Sa Magdamag” na pinagbibidahan nina Gerald Anderson, Yam Concepcion at JM de Guzman.
Hindi raw siya nahihiyang imbitahan ang mga Pinoy na panoorin ang serye dahil napakaganda raw talaga ng pagkakagawa nito.
Ito’y nasa ilalim ng creative management ni Henry Quitain at idinirek nina Ian Lorenos at Raymond Ocampo. Panoorin ang pilot episode ng bagong serye mula sa Star Creatives simula Abril 17 sa iWantTFC app at TFC website, at sa WeTV iflix.
Mapapanood naman ito simula Abril 19 sa TV5 at A2Z channel sa free TV at digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus.
The post Tetchie Agbayani sa nangyayari sa Pinas: Hindi ko maatim na magsawalang-kibo at magbulag-bulagan appeared first on Bandera.
0 Comments