IYAK nang iyak si Sunshine Cruz sa nakaraang finale virtual presscon ng Kapamilya drama series na “Bagong Umaga”.
Isa ang aktres sa cast members ng nasabing serye na tinamaan ng COVID-19 matapos sumabak sa huling cycle ng kanilang lock-in taping.
Ayon sa aktres, hinding-hindi niya malilimutan ang lahat ng na-experience niya sa anim na buwan nilang pagte-taping para sa “Bagong Umaga,” kabilang na nga riyan ang paglaban niya sa killer virus.
“But no regrets kasi I think isa kami sa mga nauna na nagkaroon ng lock-in taping sa Love Thy Woman. Nagkaroon rin kami ng COVID scare du’n with kuya Christopher de Leon.
“Pero kasi ang ABS-CBN naman, ever since grabe silang mag-alaga. So nu’ng nagla-Love Thy Woman ako hindi ko alam na may inquiry sa akin. I didn’t know na it was for Bagong Umaga.
“Pero ang tagal, so naisip ko ay may bago nang napili. So siyempre na-sad ako kasi for me, basta ABS-CBN walang isang segundo yes ako! Ganu’n ko kamahal at ganu’n kalaki utang na loob ko sa ABS-CBN,” pahayag ni Sunshine.
Aniya pa, “Para sa akin ganu’n na lang yung confidence ko with ABS-CBN when it comes to taking care of us sa magiging bubble, sa lock-in taping namin, and at the same time, I know that they always give me beautiful roles na talagang hindi ko maaaring tanggihan.
“So yung regret or pangangamba, kahit nagka-COVID pa ako, kung bukas may offer sa akin ang ABS-CBN, yes ulit,” dugtong pa ni Sunshine.
Inalala rin ng ex-wife ni Cesar Montano ang mga bonding moments nila ng cast na talagang mami-miss daw niya nang bonggang-bongga.
“Meron kasi kaming mga protocols when it comes to hotel so we see to it na sinusunod namin but at the same time meron kaming chance to bond.
“Exercise outdoors dun kung saan kami naka-lock in pero ingat na ingat kami lagi. Pero lagi kaming may chance to be able to bond.
“Kahit hindi namin off sa taping, kahit na hindi namin take, so may pagkakataon na sa tent namin na nakakapag-bonding at nakakapag-kuwentuhan naman kami.
“Nakakalungkot actually kasi mami-miss ko sila. Kasi parang nadagdagan yung mga anak ko sa set and I treat them like my children as well.
“Alam ko naman na may potential talaga sila and kapag nararamdaman ko talaga at nagagandahan ako sa ginawa nilang performance, I see it to it na talagang binabati ko sila at pinupuri ko sila. Nakaka-proud kasi sila talaga,” ang emosyonal na pahayag ng aktres.
Pinuri rin niya ang mga youngstars na kasama nila sa serye tulad nina Tony Labrusca, Barbie Imperial, Heaven Peralejo, Yves Flores, Michelle Vito at Kiko Estrada.
“Siyempre nakakatuwa to be able to be given a chance to be working with sila Tony, Barbie, Heaven, Yves, Michelle, and Kiko.
“Si Kiko kasi nakatrabaho ko ito meron kaming Stepmother’s Lover na ginawa. Nakatrabaho ko at napakagaling na artista naman talaga aside sa pagkaguwapo. And then yung ibang mga artista na nabanggit ko napakagagaling and napakabit din. They are really professional,” sey pa niya.
Samantala, bumilib din si Sunshine sa ginawang community set ng production para sa kanilang serye na itinayo sa ABS-CBN compound sa Quezon City.
“Nu’ng una ko siyang nakita, nu’ng unang beses akong nagkaroon ng scene nagulat ako. Natuwa ako kasi puwede pala mangyari ito.
“Imagine may palengke, may mga bahay, may basketball court. So nakakaaliw and ngayon na nagkaroon ng pandemic, ang daming realization na parang puwede pala ganu’n.
“Parang mas madali pa for everyone na hindi kailangan paiba-iba ng location, babiyahe pa, mag-iilaw pa, and it will take hours.
“So parang this time around parang napadali ang sitwasyon ng lahat and at the same time of course, dahil nga may pandemic, mararamdaman mo talaga yung safety mo so mas makaka-focus ka sa acting mo at sa lines mo because you know you are safe and protected,” tuwang-tuwang chika pa ni Sunshine.
Panoorin ang pagtatapos ng “Bagong Umaga” ngayong linggo sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, at iWantTFC. Sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel.
The post Sunshine iyak nang iyak sa presscon; game pa ring magtrabaho kahit tinamaan ng COVID appeared first on Bandera.
0 Comments