Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Nasaan ang gobyerno sa pagsipa ng COVID-19?

Pinalawig ang ECQ Season 2 sa buong Metro Manila pati na sa Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan provinces hanggang sa April 11. Ito ang tugon ng ating gobyerno upang mapigilan ang patuloy at mabilis na pagdami ng may sakit na COVID-19.

Matatandaan na nilagay ulit sa ECQ ang mga nasabing lugar noong March 29 ng sumipa ang bilang ng COVID-19 infected person at halos mapuno ng mga ito ang mga hospital sa Metro Manila at karatig na probinsya.

Nakakalungkot na mababasa natin sa pahayagan at sa social media ang mga iba’t-ibang kwento ng ating mga kamag-anak, kaibigan, kakilala at kababayan kung ano ang nangyari sa kanila o sa kanilang mahal sa buhay ng sila ay nabiktima ng COVID-19 sa mga nakalipas na araw. Marami ang binawian ng buhay. Marami rin naman ang nakaligtas. Sa mga namatayan at nakaligtas at sa kanilang mga pamilya, mananatili ang trauma at emotional stress dulot ng sinapit at pinagdaanan nila.

Katulad ng karamihan, lalo na yung mga pamilya ng nabiktima at tinamaan ng COVID-19 nitong mga nakaraang araw, hindi rin natin naramdaman ang gobyerno ng lumala ang pandemya dulot ng pagtaas o sudden surge ng may mga sakit.

Ang pagkakaroon ng sudden surge ng COVID-19 ay sanhi ng pagsulpot sa ating bansa ng mga bagong variants na matagal ng nakita at inaasahan. Pero tila walang malinaw na planong inilatag para harapin ang mga magiging suliranin na dala ng pagdami nito, gaya ng kakulangan ng hospital rooms at ICU, health workers, oxygen, Covid facilities at iba pa.

Kaya ng biglang sumipa ang bilang ng may COVID-19, ang ilang dinala sa hospital ay hindi tinanggap dahil sa kakulangan ng kwarto o ICU. Ang iba ay sumugal at nagpaikot-ikot sa Metro Manila, sa mga probinsya, malapit at malayo, upang humanap ng hospital na tatanggap sa kanila habang naghahabol ng kanilang hininga. Mayroon pumila at nanatili sa labas at tent ng hospital ng matagal habang naghihirap sa sakit bago na-admit sa hospital dahil na rin sa kakulangan ng kwarto o ICU. Ilan ang namatay habang nasa pila o tent. Namatay habang naghahanap ng hospital na tatanggap sa kanila. Namatay dahil sa kakulangan ng health workers na titingin sa kanila.

Nasaan ang ating gobyerno? Ito ang tanong ng ating isang kamag-anak ng nabasa nya sa social media ang mga namamatay habang naghihintay sa hospital, tulad ng isang dating sikat na singer. “We can’t feel someone is in charge” ang wika naman ng isang senador sa twitter nya bilang pahayag sa government response sa dumadaming bilang ng may COVID-19.

Sa mga ganitong pagkakataon, kung saan wala ng matakbuhan ang ating mga kababayan, importante na ipakita at magparamdam ang ating gobyerno na karamay at nakikiisa ito sa ating mga suliranin. Ang pandemyang ito ay magtatagal pa at ang nangyayari ngayon, tulad ng sudden surge, ay hindi pa tapos o maaaring mangyari muli. Maglatag sana ang ating gobyerno ng mga patakaran at plano kung papaano haharapin ang problema sa kasalukuyan, at sa mga susunod na araw, partikular ang kakulangan ng hospital rooms at ICU, health workers, oxygen, COVID facilities.

Malaking tulong naman ang paglagay sa Metro Manila at sa apat na karatig na probinsya nito sa ECQ. Maiibsan maski papaano ang pagkalat ng COVID-19. Mas maganda rin siguro kung magkakaroon ng mass testing, contact tracing, isolation at mass vaccine. Sinabi na ng mga eksperto at napatunayan na sa mga ibang bansa na bukod sa quarantine, dapat may mass testing upang matukoy ang mga may sakit na maaaring manghawa pa ng iba. Seryosong contact tracing naman ang kasunod ng mass testing para mapigilan ang pagkalat ng sakit. Isolation para sa mga may sakit at na-expose sa mga taong may sakit. At ang panghuli ay ang pangkalahatang mass vaccine.

Maglaan sana ng sapat na pondo ang ating gobyerno para dito upang maisakatuparan ang maaaring pagpigil sa pagdami ng may COVID-19.

The post Nasaan ang gobyerno sa pagsipa ng COVID-19? appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments