SIGURADONG maraming naiyak at na-touch sa panayam ni Toni Gonzaga sa isang 16 anyos na dalagita na nakikipaglaban ngayon sa stage 3 ovarian cancer.
Napanood namin sa bagong vlog ng TV host-actress sa YouTube ang emosyonal at makadurog-pusong pakikipag-usap niya kay Janella Dapusala, na sa murang edad ay nakararanas na ng matinding pagsubok sa buhay.
Simulang kuwento ni Toni, nabasa niya ang viral story ni Janella sa social media at talagang na-inspire siya at humanga sa katapangan ng bata.
Sa Twitter unang kumalat ang mga litrato ng dalagita kung saan makikita ang ipinost niyang selfie photo na wala nang buhok. Sabi niya sa caption, “Cancer ka lang, maganda ako.”
Tinanong ni Toni si Janella kung paano niya tinanggap ang pagkakaroon ng stage 3 ovarian cancer, “Sobrang nanghina po ako nun. Lagi akong umiiyak. Kasi sa isip ko, gusto kong mag-enjoy eh, kasi bata pa ‘ko, eh.
“Imbis na nag-aaral ako ngayon kasi online class, nandito ako sa hospital, nakahilata. Sobrang dami pong nangyari kasi nu’ng time na inoperahan ako. Nag-stop ‘yung heartbeat ko. Ni-revive lang po ako. Tapos na-ICU pa po ako,” pahayag ni Janella.
Kuwento ni Janella, last September, 2020 lang siya nakaramdam ng matinding sakit sa kanyang tiyan, “Nagwo-workout po ako nun kasi sobrang taba ko. I was 62 kgs. Tapos nagkaroon po ako ng abdominal pain.
“Akala ko part lang ng pagwo-workout ‘yun kaya sabi ko kay mama, ‘Okay lang, ‘wag mo na ipa-check up.’ Sobrang sakit po niya, halos hindi ako makatayo. Then mabilis din po ako mapagod,” pahayag pa niya.
Tandang-tanda rin niya na noong Oct. 4 nu’ng mamatay ang kanyang lola dahil naman sa breast cancer. Ito rin yung araw na isinugod siya sa ospital dahil hindi na niya kaya ang naranasang abdominal pain.
“Akala po buntis ako. Sobrang laki po kasi ng tiyan ko. ‘Yung bukol po kasi 28 centimeters. Pero [negative] po.
“Tapos sabi, mag-ultrasound daw po ako tsaka CT-SCAN. Tapos may nakita pong mass, sa left ovary. Kailangan daw pong maoperahan agad. Masyadong delikado raw po kasi sobrang laki na,” patuloy na pagbabahagi ni Janella.
Dito, tinapat na siya ng doktor na ang tumor na nakita sa kanyang ovary ay malignant o cancerous. Itinakda raw ang operasyon sa kanya noong Oct. 29 pero dahil sa lumalala niyang kundisyon, isinagawa agad ang surgery noong Oct. 26.
“Hindi na po umabot kasi nu’ng October 25 ng gabi, sumusuka na po ako. As in sobrang daming suka na. Kulay green na po siya. Ang sabi ng doctor, pumutok na raw po kasi kaya ganu’n,” aniya pa.
Sumailalim din siya sa chemotherapy na nagsimula last Jan. 14, “Sobrang sakit po. Namimilipit ako sa sakit. Sobrang lungkot din po kasi makikita mo ‘yung mga baby, at yung mga kaedad ko, nandoon, nag-iiyakan din sila.”
Para raw kahit paano’y mabawasan ang lungkot at takot na nararamdaman niya, palagi niyang pinakikinggan ang mga kanta ng favorite niyang K-pop group, ang BTS at nakikipag-bonding din siya sa mga kapatid.
“Pero may times na nalulungkot talaga ako. Kapag mag-isa ako. Iniisip ko ‘yung sakit ko, na baka ganito ‘yung mangyari, hindi ko kayanin kapag dumating na ‘yung oras na sobrang hirap.
“Bigla na lang po siyang sumusulpot eh. Walang gagawin, iiyak lang ako tapos magdadasal, okay na. Laban ulit,” diin ng dalagita.
Pero sa kabila ng pinagdaraanaan niyang hirap at sakit, never daw niyang sinisi o kinuwestiyon ang Diyos, “Hindi po ako nagalit sa Kanya. Sabi ko kay God, ‘Alam ko may maganda Kang plano sa akin, kaya nagtitiwala po ako sa ‘Yo.’ Sabi ko sa sarili ko na ginagawa lang ‘to ni God kasi alam ko na pagtapos nitong pagsubok na ‘to, may premyo ako.”
Samantala, sana’y umabot sa milyun-milyon ang views ng nasabing vlog ni Toni dahil nangako siya na ang lahat ng kikitain nito sa kanyang YouTube ay mapupunta sa pagpapa-chemotherapy ni Janella.
The post Kikitain ng vlog ni Toni ido-donate para sa chemo ng dalagitang may stage 3 ovarian cancer appeared first on Bandera.
0 Comments