KUNG ang ilang celebrities ay talagang patol kung patol sa mga “negatron” sa social media, iba naman ang style ng internet sensation at komedyanang si Jelai Andres.
Ayon sa Kapuso comedienne at “Owe My Love” star hindi siya masyadong nagpapaapekto sa mga bashers ay haters dahil alam naman niyang bahagi talaga ito ng socmed.
Aniya, mas pinagtutuunan niya ng pansin ang mga positibong bagay sa mundo para palagi lang siyang happy sa buhay at magsilbi ring pampa-good vibes sa kanyang kapwa.
“Hindi natin maiiwasan na meron kang gawin na tama, meron kang gawing mali. Kapag bashers, sisilip at sisilip ng masasabi sa’yo. So kapag ganu’n iniintindi ko na lang,” ang magandang paliwanag ni Jelai sa panayam ng GMA.
Naniniwala raw kasi siya sa matandang kasabihan na kapag binato ka ng bato ng isang tao, batuhin mo naman siya ng tinapay.
“Kasi sabi nga nila, kapag bad ‘yung tao, dapat mas lalo kang maging mabait sa kanya kasi kailangan niya ‘yon,” katwiran pa ng Kapuso comedienne.
“Paano ko sila hina-handle? Wala, deadma. Hindi ko na lang pinapatulan. Puro positive lang dapat, eh.
“Kasi kapag papansinin mo pa rin ang negative, lalaki, so negative rin ‘yung maa-attract mo. So kapag positive ka lagi, positive lang ‘yung aura na makukuha mo,” pahayag pa ni Jelai.
Natanong din siya kung ano ang mga pagbabago sa kanyang buhay mula nang sumikat siya bilang vlogger at komedyante.
“Kapag lumalabas ka, tinitingnan ka nila as bilang inspiration. So nakakatuwa, masarap sa feeling na nababasa ko na sinasabi ng mga
bata na ‘Paglaki ko gusto ko gayahin siya. Gusto ko ring gawin ‘yung ginawa niya. Gusto ko ring tumulong,'” paliwanag pa niya.
Napapanood pa rin si Jelai ngayon sa primetime Kapuso series na “Owe My Love” bilang si Jenny Rose Guipit. Bida rito sina Lovi Poe at Benjamin Alves.
* * *
Makiki-TBATS (The Boobay and Tekla Show) sina Bea Binene at Martin del Rosario ngayong Linggo ng gabi sa GMA.
Si Bea ang makakasama nina Boobay at Tekla para mang-good time sa “Pranking in Tandem.”
Magpapanggap ang aktres na TV host sa isang horror special ng gawa-gawang talk show. Kakuntsaba rin niya rito ang isang psychic na magpapataranta sa kanilang bibiktimahing market vendors.
Samantala, si Martin naman ang maha-hot seat sa “Truth or Charot.” Mapapanood din si Betong Sumaya bilang guest host ng nakakakaba at nakakatawang segment na ito. Kung mali kasi ang hula nina Boobay at Tekla sa sagot ni Martin ay kailangan nilang maglaro ng “Dizzy Bat.”
Bibisita rin ang fun-tastic duo sa isang palengke para maglaro ng trivia game na “The Dakma Quiz,” habang patuloy ang kanilang pang-aaliw sa studio audience sa kanilang “Dear Boobay and Tekla” segment.
Tuluy-tuloy pa rin ang laugh trip sa “The Boobay and Tekla Show” tonight pagkatapos ng Kapuso Mo, Jessica Soho.
The post Jelai Andres sa bashers: Pag bad ang tao, dapat mas lalo kang maging mabait sa kanya appeared first on Bandera.
0 Comments