Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Ate Gay nagkaroon ng panata matapos magkasakit; nagpasalamat sa champorado, lugaw at sopas

MATAPOS dapuan ng pneumonia at iba pang kumplikasyon, maayos na ang health condition ngayon ng komedyanteng si Ate Gay.

Kasabay nito, nilinaw muli ng sikat na stand-up comedian at impersonator ni Superstar Nora Aunor, na walang konek sa COVID-19 ang kanyang naging karamdaman.

Nagnegatibo kasi si Ate Gay sa kanyang RT-PCR result noong nasa ospital siya.

Ayon kay Ate Gay, o Gil Morales sa tunay na buhay,  26 araw din siyang na-confine sa ospital dahil nga sa kanyang pneumonia.

Aniya, matinding stress at anxiety ang ilan sa mga dahilan kung bakit nanghina ang kanyang katawan. Dagdag pa rito, nangitim din daw ang kanyang mga labi na may kasamang pagbabalat.

Ngunit sa kabila raw ng hirap na kanyang pinagdaanan, never siyang pinanghinaan ng loob at nawalan ng pag-asa. Talagang palagi niyang iniisip at ipinagdarasal na gagaling siya.

“Ginusto kong mabuhay. ‘Yung lips ko, balat ‘yan, pinilit kong kumain para mabuhay, at salamat sa champorado, lugaw at sopas,” ani Ate Gay sa panayam ng GMA.

Ang isa pa ngang tiniis ng comedian ay ang pagbabalat ng iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

“Ang hirap, para akong binuhusan ng mainit na tubig. Sa 10 merong ganito, dalawa lang daw kaming meron.

“Simula ng pandemya isip ako nang isip eh, mula noong talagang mawalan ako ng work ang dami ko nang sakit na tumubo sa akin kasi nga siguro ‘yung katawan ko sanay na meron akong trabaho,” pahayag pa ni Ate Gay.

Kuwento pa niya, malaki rin ang naitulong ng mga nurse sa ospital na lagi niyang nakakabiruan kaya kahit paano raw ay naiibsan ang sobrang pagka-miss niya sa pag-arte at pagpapatawa.

Sey ni Ate Gay, itinuturing din niyang pangalawang buhay ang kanyang paggaling at talagang mas tumatag pa raw ang kanyang pananampalataya sa Diyos.

“Panata ko ngayon hindi na aalis doon sa katawan ko ‘yung Bible. May Bible kasi akong maliit, binabasa ko ‘yun bago matulog.

“Masarap mabuhay. Isipin niyo po na gagaling kayo,” paalala pa ni Ate Gay sa iba pang nakikipaglaban sa iba’t ibang karamdaman.

The post Ate Gay nagkaroon ng panata matapos magkasakit; nagpasalamat sa champorado, lugaw at sopas appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments