HINDING-HINDI naramdaman ng Kapamilya actress na si Iza Calzado na kinalimutan at pinabayaan siya ng Diyos sa kabila ng matitinding pagsubok na pinagdaanan niya noong nakaraang taon.
Kahit nalagay sa panganib ang kanyang buhay nang tamaan ng nakamamatay na COVID-19, never niyang kinuwestiyon ang pagmamahal sa kanya ng Panginoong Diyos.
Bago mag-Easter Sunday, humarap muli ang aktres sa sambayanang Filipino nitong nagdaang Biyernes Santo para sa “7 Last Words” at dito nga niya ibinahagi ang kanyang pananaw sa sunud-sunod na pagsubok na kinakaharap ng mga Pinoy.
“Ang Diyos nga ba ang nakalimot? Ang Diyos nga ba ang nagpabaya?” ang simulang tanong ni Iza sa publiko.
Inamin niya na grabeng takot ang naramdaman niya noong nakikipaglaban siya sa COVID-19 pero hindi niya kailanman tinanong ang Diyos kung bakit nangyari iyon sa kanya.
“Marahil ako ang nagkulang. Ako ang nakalimot, ako ang nagpabaya. Inaamin ko po na I could have had a stronger relationship or more personal relationship with him before.
“Kailangan nating pakinggan ang mensahe na gusto niyang ituro sa atin. Mayroong magdadala ng mga mensaheng ito.
“It could be in a form of a person, an experience, a moment while reading the bible. Or even scrolling through social media now, minsan may mababasa ka na para sa ‘yo ang bawat salita,” mensahe pa ng premyadong aktres.
Aniya pa, sa kabila ng mga pagsubok kailangang mas patatagin pa natin ang ating faith sa Diyos, “We need to have faith in him. We need to trust him. We need to be grateful kahit na sa mga pagsubok na ito. Ang hirap gawin noon.”
“Ang hirap sabihin na, ‘Lord salamat. Salamat wala akong pera ngayon. Salamat nasa ospital ako. Salamat namatayan ako.’ Ang hirap sabihin noon. At maaaring hindi mo siya masabi right then and there.
“Kailangan muna nating tanggapin na nangyayari ‘yun sa buhay natin. Kailangan nating harapin kung ano ang nangyayari sa buhay natin. At kapag naramdaman natin lahat ng iyon, kailangan din nating piliin na magpasalamat,” pahayag pa ng COVID survivor.
Pahabol pa niyang paalala, “Having an attitude of gratitude is a choice. A choice that can lead you to a more positive direction in life. At pag umabot na tayo rito, malampasan na natin ang feeling na inabandona tayo. Nagkaroon na tayo ng grace of gratitude, maaaring mapunta na tayo sa joy.
“When we have that gratitude, joy, and peace, hindi na natin kailangang tanungin pa ang mga katagang, ‘My God, My God, why have you forsaken me?’” lahad pa ni Iza Calzado.
The post Ang Diyos nga ba ang nakalimot? Marahil ako ang nagkulang, ako ang nagpabaya… appeared first on Bandera.
0 Comments