NAPAMURA ang TV host-comedian na si Pokwang dahil sa mga nanglait at nambastos sa kanya sa social media matapos magpahayag ng saloobin tungkol sa muling pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.
Pinatulan ng komedyana ang ilan sa kanyang mga bashers at tinawag pa niya ang mga ito ng utu-uto at bobo.
Sa halip kasi na mag-focus sa issue ay idinadaan sa personalan at pamimintas ng kanyang mga haters ang pagkontra sa kanyang mga political views.
Kamakailan, nag-tweet si Pokwang tungkol sa mga bagong panuntunan na dapat sundin ng publiko na nasa ilalim ng general community quarantine, partikular na ang National Capital Region at mga karatig-lalawigan.
Binansagan itong NCR Region Plus bubble na kinabibilangan ng NCR, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na sasailalim nga sa mas istriktong GCQ na nagsimula nitong March 22 at tatagal hanggang April 4.
Komento nga rito ni Pokwang, “NCR- plus with ginkgo biloba Shirota strain!!! Plus glutathione (clapping hands emojis).”
Sunud-sunod naman ang reaksyon ng mga netizens sa patutsada ng komedyana sa gobyerno. Tweet ng isa niyang follower, “Mag law abiding citizen ka na lang!!! Para makatulong ka sa sambayanan.”
Sagot ni Pokwang sa kanya, “So yung tax na binabayad ko hindi ako nakakatulong? G*GO!!!!”
Pahabol pa niya, “Magkaiba po ang masunurin sa uto utong TANGA!!!!!!”
Samantala, kinampihan naman ni Pokey si Liza Soberano na nauna nang naglabas ng saloobin laban sa pamahalaan dahil sa tila pagpapabaya ng mga opisyal ng gobyerno sa panahon ng pandemya.
Kaliwa’t kanang batikos din ang natanggap ng aktres mula sa netizens dahil sa naging pahayag niya ngunit sey ng dalaga naglalabas lang siyang ng sama ng loob bilang isang taxpayer.
Naaawa na rin daw siya sa mga kapwa Pinoy na hindi pa rin makapagtrabaho hanggang ngayon dahil sa pandemya.
Tweet naman ni Pokwang, “Hanggang sumusunod ka sa batas at wala kang ginagawang illegal sa batas ng tao, gobyerno at sa Dios wala ka dapat ikatakot woohooo.”
Sa lahat naman ng mga namemersonal sa kanya, ito ang mensahe sa inyo ni Pokwang, “Halata mo mga BOBO kapag ang atake na sa opinyon mo ay personal nandyan ang tawagin kang pangit, chaka, etc.
“Excuse me ang kapangitan ko ang nagpaganda sa buhay ng pamilya ko at mga nagtatrabaho sa ating negosyo na binubuhay ang pamilya nila na natutulungan ng kapangitan ko, e ikaw?” aniya pa.
The post Pokwang tinawag na bobo, utu-uto ang bashers: Ang kapangitan ko ang nagpaganda sa buhay ng pamilya ko appeared first on Bandera.
0 Comments