KINONTRA ng Kapamilya actress at TV host na si Angel Locsin ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa patuloy na banta ng COVID-19 pandemic sa Pilipinas.
Isang taon nang nasa community quarantine ang halos buong bahagi ng bansa dulot ng kinakaharap nating health crisis ngunit tila wala pa ring kasiguruhan kung kailan talaga tuluyang makokontrol ang killer virus.
Nitong mga nakaraang linggo patuloy na namang tumataas ang bilang ng mga Filipino na tinatamaan ng COVID-19 kaya muling nagbabala ang iba’t ibang sektor ng pamahalaan na triplehin muli ang pag-iingat.
Sa gitna nga ng muling pagdami ng COVID-19 cases sa Metro Manila at ibang probinsya, nagbigay ng pahayag si Pangulong Duterte tungkol sa pandemya.
“Do not despair. Kaya natin ito COVID na ito. Maliit na bagay ito sa buhay natin,” ang sabi ng Pangulo.
“Marami tayong dinaanan mas ano, mas grabe, mas mahirap, mas magluluha kayo…lahat kayo ‘wag kayong matakot,” aniya pa.
Ipinost ni Angel sa kanyang Instagram Story ang screenshot ng naging statement ni Duterte at matapang ngunit marespeto itong sinagot.
Aniya sa caption ng kanyang IG post, “Maliit na bagay? Baka po sa inyo, Sir. Para sa amin po kasi malaki.”
Dagdag pa niya, “Malaking utang. Malaking taas ng cases. Malaking human rights violations.”
Isa ang Kapamilya actress sa mga itinuturing na bayaning Pinoy dahil sa napakalaking naitulong niya sa mga kababayan nating naapektuhan ng pandemya lalo na noong kasagsagan ng lockdown.
Nauna rito, nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi minamaliit ng Pangulo ang naging epekto ng pandemya sa bansa ay sa sambayanang Filipino.
“Ang sinasabi ng Presidente, temporary lang po ‘yan. Hindi po ‘yan forever. Lilipas din po ‘yan at pagdating po ng bakuna, magkakaroon nga po tayo ng solution sa ating problema, magkakaroon tayo ng new normal.
“Hindi po minamaliit ng ating Presidente ang ating paghihirap. Ang sinasabi po niya, babangon naman po tayo dyan, we will heal as one,” paliwanag ni Roque.
The post Angel kontra sa pahayag ni Duterte tungkol sa COVID: Maliit na bagay? Baka po sa inyo, Sir, para sa amin po kasi malaki appeared first on Bandera.
0 Comments