SAO PAULO — Mababa pa sa 60 porsyento na epektibo ang vaccine ng Sinovac Biotech ng China, ayon sa late-stage trial na isinagawa sa Brazil.
Nag-partner ang Butantan biomedical center ng Sao Paolo at ang Sinovac para pag-aralan ang bakuna ng China sa Brazil at nakatakdang ilabas ang resulta ng kanilang pagsusuri ngayong Martes.
Noong Huwebes, sinabi ng mga researcher ng Brazil na umaabot sa 78 porsyentong epektibo ng bakuna ng Sinovac sa mga di malalang kaso ng Covid-19 at lubusang sumusugpo sa malalang kaso.
Pero nanawagan ang mga independyenteng ispesyalista na magkaroon ng higit na transparency sa resulta ng Phase III trial ng bakuna ng Sinovac na kilala sa tawag na CoronaVac.
Tinuligsa ng mga medical experts at regulators ang anila ay hindi kumpletong paglalabas ng resulta ng pag-aaral na ito sa Sinovac vaccine.
Sa ulat ng Brazilian news website na UOL, nakatakda umanong ianunsyo ng Butantan ngayong Martes na 50 porsyento hanggang 60 porsyento lamang ang efficacy rate ng CoronaVac. Bagama’t lampas ito sa pamantayang itinakda ng health regulators, mababa ito sa naunang inanunsyong epektibidad ng bakuna.
Ang hindi kumpletong paglalabas ng mga pag-aaral sa CoronaVac sa buong mundo ay lumilikha ng agam-agam na ang bakuna ng China ay hindi ganap na nasusuri ng publiko hindi kagaya ng mga bakunang ginagawa sa US at Europe.
Nakatakda ang Pilipinas na bumili ng 25 milyong doses ng Sinovac vaccine, at ang unang 50,000 na doses ay inaasahang darating sa Pebrero.
Sa harap ng mga tanong kung bakit Sinovac ang mas pinipili ng Malacañang na bakuna, sinabi ni Secretary Harry Roque, ang tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, na 91.5 porsyento na epektibo ang CoronaVac ng China.
Mula sa ulat ng Reuters at ni Darryl John Esguerra ng INQUIRER.net
The post Sinovac vaccine ng China wala pang 60% na epektibo, ayon sa pag-aaral sa Brazil appeared first on Bandera.
0 Comments