Noong nakaraang Biyernes (January 15), ipinaalam ng Department of National Defense (DND) sa University of the Philippines (UP) na pinawalang-saysay (abrogated) na nila ang UP-DND 1989 Agreement o yung mas kakila sa tawag na UP-DND accord.
Klaro ang dahilan ng DND ng unilateralismo nitong pinawalang-saysay ang UP-DND accord. Ayon sa DND, ang University of the Philippines (UP) ay naging pugad at lugar ng recruitment para sa Communist Party of the Philippines/ New People’s Army (CPP-NPA) at ilan sa mga estudyante nito ay aktibong miyembro ng CPP-NPA.
Ang UP-DND accord ay isang kasunduan pinagtibay noong 1989 sa pagitan ng UP at DND. Nagkasundo ang UP at DND na hindi maaaring mag-operate ang kapulisan (police), o ano man miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng UP campuses na walang naunang coordination sa UP administration. Hindi din maaaring pumasok sa UP campuses ang kapulisan o ano man miyembro ng AFP, maliban nalang kung may hot pursuit operation ang mga ito o kung may emergency situation sa loob ng campus. Kung sakali naman kailanganin ng UP ang tulong seguridad (security) ng kapulisan o ng AFP sa loob ng UP campus, ang mga miyembro ng AFP o ang kapulisan ay dapat nakasuot ng tapang uniporme. Nagkasundo din ang dalawang partido na hindi pwedeng makialam ang kapulisan at AFP sa mga peaceful rally na nagaganap sa loob ng UP campuses. Pati ang paghuli sa bisa ng isang warrant of arrest ng estudyante, guro at empleyado ng UP sa loob ng mga campus nito ay dapat i-coordinate na muna sa UP administration. Tinakda din sa accord na ipaalam agad ng kapulisan at ng AFP sa UP administration ang sino man mahuhuling estudyante, guro o empleyado nito sa labas ng UP campus.
Ang direktang layunin ng UP-DND accord ay para protektahan ang autonomy (kalayaan)ng UP laban sa police/military intervention. Tinitiyak din ng accord na malaya at ligtas nilang magagampanan ang kanilang mga political rights sa loob ng kanilang campuses, gaya ng malayang magpahayag, peaceful assembly at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang karaingan.
Sa aking pananaw, ang pagpawalang-saysay ng UP-DND accord sa parte ng DND ay isang red-tagging sa mga estudyante ng UP.
Ang red-tagging ay ang pag-label, pag-marka, pag-taguri, pagtawag at pag akusa sa isang indibidwal o organisasyon bilang isang makakaliwa, subersibo, komunista o terorista, na ginagamit na isang stratihiya ng ahente ng estado partikular ang law enforcement agencies at militar laban sa mga pinaniniwalang may banta o kalaban ng gobyerno. Sa madaling salita, sa red-tagging inuugnay ng gobyerno ang isang indibidwal o organisasyon sa komunista o sa military armed group nito-ang National People’s Army (NPA).
Hindi natin maitatanggi ang mga masamang sinapit ng mga nauna ng naging biktima ng red-tagging. Karamihan sa kanila ay na-harass, tinakot at pinagbantaan at ang ilan sa kanila ay pinatay.
Ang red-tagging ay halos katumbas na mapabilang sa kinakatakutang listahan ng narco-list ng Malacanang, kung ang mga sinapit ng mga nabiktima nito ang pag-uusapan.
Ito ay isang klarong paglabag sa karapatang pantao, partikular sa due process clause ng constitution.
Matatandaan din na ang UP-DND accord na ginawa noong 1989 ay hango at base sa academic freedom ng UP na ginagarantiya naman ng ating constitution. Ang pagpawalang-bisa nito na walang malinaw na basehan at sapat na dahilan ay masasabing paglabag sa academic freedom ng UP.
Hindi din maaaring basta na lang ipawalang saysay ng DND ang kasunduan. Ang UP-DND accord ay isang malayang kasunduan na pinasok ng dawalang partido na walang masamang hangarin (good faith). Nararapat lamang na dapat kinuha muna ng DND ang paliwanag ng UP bago nito pinawalang-bisa ang kasunduan. Ito ay simpleng due process na hindi binigay sa UP.
The post Red-tagging ng UP community appeared first on Bandera.
0 Comments