HANDANG-HANDA na ang Kapuso actor na si Ken Chan sa unang cycle ng lock-in taping ng pagbibidahang Kapuso series na “Ang Dalawang Ikaw.”
Sa kanyang Instagram story, ipinost ng aktor ang mga taping essentials na babaunin niya. Makikita rito ang storage boxes na may pagkain at toiletries, pati na rin ang tatlong maleta para sa kanyang mga damit.
Ani Ken, siya mismo ang nag-ayos ng kanyang mga gamit na dadalhin sa lock-in taping, at “excited” at “looking forward” na raw siya rito.
Mukhang sanay at alam na ni Ken ang paghahandang gagawin sa pagte-taping under the new normal dahil naranasan na niya ito nang mag-shoot sila ng kanyang leading lady sa serye na si Rita Daniela para naman sa kanilang debut film na “My First And Always” noong nakaraang taon, kung kailan ipinatupad ang mas relaxed na community quarantine.
Bukod sa paghahanda ng kanyang taping essentials, talagang pinaghandaan din ni Ken nang bonggang-bongga ang kanyang role sa serye bilang si Nelson, isang lalaking may dissociative identity disorder o DID.
Nag-research at nakipag-usap pa si Ken sa adult psychiatrist na si Ma. Bernadette Manalo-Arcena ng St. Luke’s Medical Center at The Medical City Clark para sa kanyang karakter na may multiple personalities.
Si Dra. Bernadette din ang nagsilbing consultant noon sa serye ng RitKen sa GMA na “My Special Tatay” kung saan nakilala ang karakter ni Ken na si Boyet.
Ang kuwento ng “Ang Dalawang Ikaw” ay iikot sa buhay ni Nelson na magkakaroon ng isa pang karakter — si Tyler, kaya naman aminado si Ken na mas matindi ang challenge sa bago niyang role.
Malayo sa mahinang personalidad ni Nelson, si Tyler ay isang gun dealer at smuggler kaya kinailangan din ni Ken na mag-training sa tamang paghawak at paggamit mga baril.
Bukod sa pagbibigay ng quality entertainment sa manonood, nais din daw ng binata na maging instrumento para makapagbigay ng kaalaman tungkol sa sakit na DID sa publiko.
Mapapanood na ang reunion series nina Ken at Rita very soon sa GMA.
The post Ken Chan mala-sundalo ang paghahanda para sa lock-in taping; pahihirapan sa doble-karang role appeared first on Bandera.
0 Comments