JAKARTA — Isang eroplanong Sriwijaya Air na may lulang 62 tao ang nawalan ng kontak matapos na ito ay lumipad mula sa Jakarata, ang kabisera ng Indonesia, ngayong Sabado.
Ang Boeing 737-500, na patungong Pontianak sa West Kalimantan, ay naglaho sa radar matapos lamang na ito ay mag-take off dakong 2.30 ng hapon (3:30 ng hapon sa Pilipinas).
Sinabi ni Indonesian Transport Minister Budi Karya sa isang news conference na 62 tao ang sakay ng eroplano, kabilang na ang 12 crew. Isang opisyal ang naunang nagsabi na 56 ang pasaherong sakay nito at anim ang crew.
Ayon kay Bagus Puruhito, head ng search and rescue agency na Basarnas ng Indonesia, may mga team silang ipinadala na para hanapin ang nawawalang eroplano sa karagatan sa hilaga ng Jakarta. Pero walang radio beacon signal na na-detect ang mga ito, ayon sa ahensiya.
Sinabi naman ni Agus Haryono, isa pang opisyal ng ahensiya, na may mga debris na hinihinalang nanggaling sa eroplano ang natagpuan sa karagatan, pero wala pang kumpirmasyon kung nagmula ito sa nawawalang eroplano.
Ayon sa tracking service na Flightradar24, ang Flight SJ182 ay nawala sa radar habang ito ay nasa taas na 10,000 talampakan, may apat na minuto lamang matapos na ito ay lumipad mula sa Jakarta.
Sa pahayag ng Sriwijaya Air, isang airline company sa Indonesia, nangangalap pa sila ng iba pang detalye kaugnay sa flight bago magbigay ng buong pahayag.
Ipinapakita sa mga telebisyon sa Indonesia ang larawan ng pinaghihinalang mga bahagi ng eroplano at iba pang laman nito.
“May nakita kaming ilang kable, isang pantalon, at mga pira-pirasong bakal sa dagat,” sinabi ni Zulkifli, isang security official, sa CNNIndonesia.com.
Umuulan sa Soekarno-Hatta International Airport nang lumipad ang eroplano patungong Pontianak, may 740 kilometro ang layo.
Sa mga video images mula sa airport ay makikita ang mga kamag-anak ng pasahero na umiiyak habang naghihintay ng anumang balita sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
Mula sa ulat ng Reuters
The post Eroplanong may lulang 62 sa Indonesia, nawawala appeared first on Bandera.
0 Comments