Sa kauna-unahang pagkakataon magkakasabay na aaksyon ang ng 17 mayors ng Metro Manila Council, kasama si bagong MMDA chairman Benhur Abalos, DTI at DA laban sa laganap na ‘overpricing’ ng mga pangunahing bilihin sa mga pamilihang bayan.
Kasabay nito, magbabagsak din ng suplay ang Department of Agriculture ng mga murang gulay, karne , isda at iba derekta mula sa mga ‘farmers cooperatives sa mga lalawigan.
Sa ngayon, ang presyo ng baboy ay nasa P400-P500 bawat kilo. Nagliliparan din ang presyo ng gulay tulad ng talong na P200/kilo ngayon. Ganoon din ang mga isda at canned goods. Ang kasalukuyang daily minimum wage na P537 ay kulang at hindi na kasyang ng pamalengke ng bawat pamilya. Iba’t iba ang gamit na dahilan, African Swine fever sa baboy, tag-ulan kapag kapos ang suplay ng isda, taglamig sa gulay at paiba-ibang presyo ng baka at manok. Katunayan, mga ganid na “buwayahero” (buwayang biyahero) na ang nagdidikta ng araw-araw na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Matagal nang inutil ang DTI at DA laban sa mga price control violators dahil wala silang kapangyarihang ipasara o suspindihin ang business permit ng mga biyahero, maging stallowners. Maraming ‘price violators’ ang binigyan noon ng ‘show cause orders’ , dinemanda, pero dahil sa tagal ng mga kaso, dedma at ‘ untouchable’ ang operasyon ng mga ganid na biyahero.
Malungkot talaga. Pero, iba na ang mangyayari sa mga susunod na araw.
Kailangan munang magtakda ng presyo ang mga gobyerno para sundin ng mga LGUs ditto sa Metro Manila. Ayon kay Agriculture sec. William Dar, irerekomenda niya kay Pres. Duterte ang panibagong ‘price freeze” sa Metro Manila sa baboy, manok, isda, gulay at ang DTI naman sa mga “canned goods”.
Ikakasa sa P270/kg ang kasim pigue, P300/kg sa liempo, P160/kg sa dressed chicken at sa iba pa.
Pero, ang malaking hamon ay kung magkakatotoo ba ito sa mga palengke. Susunod ba sa ‘price freeze’ ang mga biyahero at nagtitinda? O sa dyaryo at media lang makakabili ng mura ang taumbayan?
Nitong Biyernes, nagkaisang umaksyon ang lahat ng 17 NCR mayors sa pangunguna ni bagong MMDA chair Benhur Abalos at nakipagpulong kina Agriculture sec Dar at DTI sec Ramon Lopez.
Ayon sa plano, paglabas ng ‘price freeze order’ ni Pres. Duterte, mahigpit na babantayan ng mga ‘market masters’ ang galawan ng presyo ng mga ‘biyahero’ at manininda sa bawat ‘city at municipal public markets’ na derekta nilang poder..
Ang Metro-wide operation ng mga ‘ LGU price control councils’ ay pangangasiwaan ng bawat City administrator at City treasurer hanggang ‘palengke level’ na ang mga ‘market masters’ na tatayong bastonero ng mga presyo.
Ang mahuhuling ‘price violators’ na “buwayahero” (buwayang biyahero), wholeseller, peddler, o retailer, ay mabilisang mapapatawan ng “closure” o “suspension order” ng kanilang Mayor’s permits bukod pa sa isasampang kasong paglabag sa Price Act.
Sa totoo lang, hindi na pwedeng pabayaan ang mga ‘market forces’ sa mga taas baba ng mga presyo o “supply and demand” dahil minamaniobra lang ito ng mga ganid na bwayahero.
Sa panahon ngayon ng pandemya, bawat sentimong pagtataas sa presyo ng pagkain ay latay na humahagupit sa hirap na hirap nang sambayanan.
Hindi ko lubusang maisip kung bakit nagagawa pa rin ng mga ‘price violators’ na magpayaman habang nauubos ang dugo ng taumbayan sa paghahanapbuhay. Maraming taon na silang nagsamantala , nagpasasa at hindi natitinag ng nakaraang mga gobyerno .
Pero ngayong nagkasundo at iisang kilos na ang lahat ng Metro Manila Mayors, MMDA, DTI at DA, inaasahan natin ang napakalaking pagbabago sa mga palengke.
At sana naman, mahigpit na kamay na bakal ang ipatupad upang kahit paano’y gumaang ang buhay ng nakararaming nagdarahop na mamamayan dito sa Metro Manila.
The post ‘Buwayahero’ sa NCR public markets, uupakan ng 17 mayors at MMDA appeared first on Bandera.
0 Comments