Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Benj Manalo, Lovely Abella nagkaiyakan sa kasal; may inamin sa harap ng pamilya’t mga kaibigan

RAMDAM na ramdam ng mga kapamilya at malalapit na kaibigan nina Lovely Abella at Benj Manalo ang matinding pagmamahal nila sa isa’t isa na nakasaksi sa kanilang intimate wedding.

Bumaha nga ng luha habang ikinakasal ang celebrity couple nitong nagdaang Jan. 23 na ginanap sa Lemuria Gourmet Restaurant sa Quezon City.

Base sa mga litratong ipinost ng celebrity couple sa kanilang Instagram account, pareho silang naiyak habang nagpapalitan ng wedding vow.

Umamin si Benj, isa sa mga artistang anak ng TV host-comedian na si Jose Manalo, feeling hopeless na siya noon sa kanyang buhay hanggang sa dumating nga sa buhay niya si Lovely.

“Lost. Broken. Hopeless. Ito ang mga bagay na dala ko sa buhay ko bago kita makilala, dati kala ko sa pelikula ko kang makikita yung pagbabago ng buhay ng bida ‘pag dumating ‘yung isang tao na para sa kanya. Hindi pala. Dahil binago mo lahat yun nung nakilala kita,” simulang pahayag ng aktor sa kanyang caption.

Abot-langit din ang pasasalamat ni Benj dahil mahal na mahal din siya ng anakni Lovely na si Crisha Kaye.

“Sabi ko sa sarili ko, kaya ko ba buhayin ka? Pano anak mo mabibigay ko ba yung pagmamahal na parang tunay na ama sa kanya? Madaming katanungan pero inalalayan mo ako, pinaniwala mo ako na possible lahat basta nagtutulungan at nagkakaunawaan.

“Nangarap tayo ng sabay at nagtatagumpay ng sabay, ang sarap sa pakiramdam kasi alam ko na hindi na tayo puwede masira, lalo pa tayo pinagtitibay ng diyos dahil siya ang gumagabay at sentro ng relasyon natin. Ang sarap sa pakiramdam dahil tanggap ako ng anak NATIN,” pahayag pa ng aktor.

Patuloy pa niya, “Sarap sa pakiramdam kasi natutupad ko ‘yung mga pangako na binitawan ko sa daddy mo nung bago palang tayo. Sarap sa pakiramdam na ‘yung kala mo simple lang ang wedding pero nabigay ko yung simple pero puno ng pagmamahal na pag-iisang dibdib natin. Magical sobra.

“Sarap sa pakiramdam na araw araw ko pa lalo mapapasaya ang babae na umalalay sa ‘kin nung walang wala ako. Ang sarap sa pakiramdam na natupad ko yung sinabi ko kay mamang na hindi kita iiwan at ikaw ang pakakasalan ko. Higit sa lahat napaka sarap sa pakiramdam na iisa na tayo. Mahal kita Mrs. Manalo,” mensahe pa niya kay Lovely.

Narito naman ang naging pahayag ni Lovely matapos magpakasal kay Benj, “Lahat ay naging emotional sa araw ng aming kasal, di maganda pareho ang direksiyon ng buhay namin ni Benj. ‘Di namin alam kung paano ba magiging maganda o magiging maayos ang lahat, hanggang sa nagkakilala kami.

“Pareho naming pinag-usapan kung ano ang gusto naming marating, di man madali lahat pero kung kinakapitan ninyo ang isa’t isa nagiging matagumpay.

“‘Di naging madali sa amin lahat ng bagay, ‘di umaayon sa amin ang panahon, pero ‘pag pinagdadasal ninyong dalawa ‘di man umayon, naaayos naman at nagiging masaya.

“At ‘yun ang importante ang masaya kayong dalawa sa kung ano man ang kapalarang binubuo ninyo. Kaya pala talagang umiyak ng masaya akala ko dati nagagawa lang ‘yun sa harapan ng camera pero iba to galing sa puso ang sarap sa pakiramdam. #ManalonasiGa #BenLy #BenLyforever,” ang kabuuan ng caption ng Bubble Gang star sa kanyang IG post.

The post Benj Manalo, Lovely Abella nagkaiyakan sa kasal; may inamin sa harap ng pamilya’t mga kaibigan appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments