Isang bangkay ng magsasakang Indian ang binitbit ng kanyang mga kapitbahay sa bangko para mag-withdraw ng perang gagastusin sa kanyang cremation.
Si Mahesh Yadav, 55, ay namatay nitong Martes sa isang barangay sa silangang state ng Bihar sa India matapos ang mahabang panahong pagkakasakit, ayon sa pulisya.
Walang pamilya si Yadav at natagpuan lamang ng mga kapitbahay ang kanyang bangkay ilang oras matapos na siya ay mamatay.
Hinalungkat ng kanyang mga kapitbahay ang bahay sa pagbabakasakaling may makikitang mahalagang ari-arian na maaring magamit para sa panggastos sa kanyang libing. Pero bigo silang makakita at sa halip ay isang passbook ng bangko na may lamang $1,600 (o mga P76,800) ang kanilang natagpuan.
Noong hapon ding iyon, dinala nila ang passbook–at ang bangkay ni Yadav–sa Canara Bank, at tumangging umalis hangga’t hindi ibinibigay ng branch manager ang pera, ayon sa pulis na si Amrendar Kumar.
“Nag-demand ang mga taga-barangay sa bangko na ibigay sa kanila ang pera mula sa account ni Yadav para sa cremation at kung hindi ay hindi nila ito iki-cremate,” wika ni Kumar.
Sinabi niya na kalaunan ay napilitan ang bangko na maglabas ng pera sa tulong na rin ng interbensiyon ng lokal na pulisya.
Inamin ni Canara Bank branch manager Sanjeev Kumar na ang kakaibang eksenang naganap sa bangko ay lumikha ng takot sa mga taong naroroon.
“Ito ang unang ganitong kaso sa bangko,” ani Kumar.
“Matapos ang mahigit isang oras, ibinigay ko sa kanila ag pera ($135 o mga P6,400) at sa wakas ay umalis na sila dala ang bangkay para i-cremate.”
Ayon sa kapitbahay na si Shakuntala Devi, walang pag-aaring lupa si Yadav at wala ring anumang natatanggap na suporta mula sa pamahalaan.
“Walang nag-aalaga sa kanya bagama’t ilang buwan na siyang maysakit. Dinadalhan lang namin siya ng lutong pagkain at iba pang bagay,” wika niya.
Mula sa ulat ng Agence France-Presse
The post Bangkay ng magsasakang Indian, binitbit ng mga kapitbahay sa bangko para i-withdraw ang perang pang-cremate appeared first on Bandera.
0 Comments