Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Aiko kay Jomari: Hindi ako galit sa kanya, buwisit ako sa kanya!

PABORITO talagang guest ni Ogie Diaz sa kanyang vlog ang kumareng si Aiko Melendez dahil nakakaaliw naman talaga ang aktres dahil sa pagiging taklesa nito.

Tampok sa bagong vlog ng kilalang talent manager-vlogger ang pagsabak nila ni Aiko sa lie detector test kung saan “makukuryente” ang sinumang magsisinungaling sa aparatong pagpapatungan ng kanilang kamay.

Nag-jack en poy ang dalawa at natalo si Ogie, kaya ang tanong ni Aiko sa kumpare ay tungkol kay BB Gandanghari na nakasagutan ng una kamakailan. “Galit ka pa ba kay BB Gandanghari” tanong ni Aiko.

“Hindi na (at hindi nakuryente si Ogie). Hindi naman talaga ako galit sa kanya. Kahit kailan hindi ako nagalit kay Rustom Padilla kasi naging magkaibigan kami.  Si BB Gandanghari, siya ang galit sa akin, so siya ‘yung may karga, ako wala,” esplika ni Ogie.

Nang si Aiko na ang sumalang sa aparato, ang tanong sa kanya ay, “Engaged na si Ara Mina sa kanyang non-showbiz boyfriend.  Happy ka ba for Ara?”

Sagot ng aktres, “Oo naman happy ako.”

“Naku ha, parang wala sa mata,” biro ni Ogie.

“Grabe, mata-mata acting ba ito?” sabi naman ni Aiko. Hindi naman nakuryente si Aiko, “See, happy ako.  In fairness hindi talaga tayo nagsisinungaling.”

Bago ang next question ay nag-walkout naman si Aiko dahil sa takot sa laruang daga ni Ogie, “Bakit nabuhay na naman ‘yan, di ba nailibing na ‘yan?” sambit ng aktres.

Ang sunod na tanong ni Aiko kay Ogie, “Galit ka ba kay Alfred Vargas?  Kasi ka-Facebook kita at naka-public ka naman, medyo nasisita-sita mo si Alfred.  Personal ba ‘yung galit mo sa kanya?”

Balik-tanong ni Ogie, “San ko nasulat Aiko na galit ako?”

Biglang napaisip ang aktres, “Oh my God, napag-usapan lang pala natin, nadulas ako. Ha-hahaha!”

Dagdag ni Ogie, “’Yan ang sinasabi ko, eh. Nadulas si Aiko, eh.”

At nagkatawanan nang husto ang magkumare sabay bulong ni Aiko, “Wala ka bang nasulat sa ano mo, sa wall mo?”

Mabilis na sagot ni Ogie, “Wala!”

“Ay! Ha-hahahaha! Blind item nga pala ‘yun. Ha-hahaha!” naalalang sabi ni Aiko sabay tayo.

Dagdag pa, “Sorry, hindi mo ako puwedeng i-guest dito, nadudulas ako.”

“So ano ang tanong mo,” tanong ulit ni Ogie.

“’Yun nga kung may galit ka kay Alfred Vargas,” say ng aktres.

“Wala (hindi naniwala si Aiko), e, di meron, so happy?” seryosong sagot ni Ogie. At hindi nakuryente si Ogie sa pagsabing may galit nga siya kay Congressman Alfred.

“’Yung galit ko hindi personal, siguro tampo lang na hindi siya nanindigan sa botohan.  Okay lang ‘yung iba like sina Dan Fernandez na yes to shutdown, si Yul Servo, yes to shutdown.  Siya (Alfred) nag-abstain siya.  Once a upon a time, nakatulong din naman ang ABS-CBN kay Alfred.

“At nagpakilala rin naman ang ABS-CBN sa kanya para mapunta siya kung nasaan siya sa posisyon niya ngayon, so yun ang tampo ko, sana hindi ka nag-abstain, either yes or no!  So pag ganu’n mas may bayag pa sina Dan Fernandez at Yul Servo.  Hinahangaan ko sila kasi may bayag sila, pero hindi nangangahulugan na gusto ko sila,” paliwanag ni Ogie.

Sundot na tanong ni Aiko, balitang tatakbong senador si Alfred, sa tingin ba niya mananalo? “Ay goodluck, hindi ako ang magde-decide diyan, ang mga tao ang magde-decide,” seryosong sabi ni Ogie.

Natanong din ng komedyante kung may galit si Aiko sa dati niyang asawang si Jomari Yllana. “Hindi!” mabilis na sagot ng aktres.

“Hindi ako galit sa kanya, buwisit ako sa kanya!” diretsahang sabi ni Aiko.

Nagkatawanan ang dalawa, “Parang ganu’n din ‘yun,” sambit ni Ogie.

Bakit buwisit si Aiko sa tatay ng panganay niyang si Andre? “Kasi may sinasabi siyang hindi nangyayari. May pangako kay Andre na hindi nangyayari. So ‘yung sama ng loob ko o kabuwisitan ko is more for my son sabi ko nga bumabawi naman siya, pero sana consistent siya ngayon. Nagkita sila nu’ng Christmas, three times, so medyo may improvement na, kasi dati wala.”

Kuwento naman ni Ogie, never sinabihan ni Aiko ang mga anak niya, “Gusto ni Aiko, sila ang makatuklas para hindi sa akin nanggagaling.” Na sinang-ayunan naman ng aktres.

Pinuri naman ni Aiko ang tatay ni Marthena dahil mabait ang tatay nitong si Martin Jickain pati ang asawa nito ngayon.

The post Aiko kay Jomari: Hindi ako galit sa kanya, buwisit ako sa kanya! appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments