ANG bongga pala ng mga anak ng aktres na si Nadia Montenegro — may kanya-kanya na pala silang negosyo ngayon na pinagkakaabalahan.
Sa panahon ng pandemya, mas naging masipag at inspirado ang apat na anak na babae ni Nadia na sina Ynna, Yssa, Yana at Anykka sa pagsabak nila sa negosyo.
At saksi riyan ang kilalang life at business coach na si Dorelene “Dore” Dimaunahan na naging katuwang nga ng Asistio sisters kung paano pa mas mapapalago ang kanilang mga pinasok na negosyo.
Ayon kay Dore, na isa ring propesor sa ilang sikat na unibersidad sa bansa, online talkshow host at author, nasaksihan niya kung gaano ka-dedicated ang magkakapatid sa pag-abot sa kanilang mga pangarap.
Sabi ni Dore, “Dahil wala akong kapatid na babae, ang pagiging malapit sa kanila ay parang pamilya na rin. Para kaming hindi nagtatrabaho dahil tuwing may session kami (coaching), hindi lang kami nakatuon sa pagtatrabaho kaya marami kaming magagandang alaala at talagang natuto kami sa isa’t isa.”
Aniya, ang mga Asistio ay hindi lamang mga negosyante kundi mga influencer na rin kaya mas madali nilang maibabandera sa publiko ang kanilang mga produkto at serbisyo.
Si Ynna ay isa nang dalubhasa sa brilyante, marami na siyang alam sa mga singsing, lalo na sa mga wedding ring.
Kasalukuyan siyang humahawak ng mga benta, marketing at promosyon ng kanyang negosyo. Siya ay sertipikado sa Amerika pati na ang kanyang mga kasosyo. Personalized pa ang pagharap ni Ynna sa mga kliyente.
Si Anykka naman ang nasa likod ng Lemon Kick (iba’t ibang klase ng juice). Sa panahon ng pandemic, siya ay nagsimula sa delivery service katuwang ang kapatid na si Yana. Hands-on din siya pagdating sa negosyo, partikular na nakatuon sa kontrol ng kalidad.
Aniya, “Gusto kong makilala sa isang bagay na sinimulan ko. I want to be a businesswoman wher yung market na sinimulan ko , yun yung magiging market ko na.”
Si Yssa ang pinakabagong negosyante sa apat na magkakapatid. Nagbebenta naman siya ng “street-food on sticks “tulad ng mga squid ball, fish ball at iba pa. Nang tanungin kung bakit niya pinili ang konseptong ito, ani Yssa , “Gusto ko yung budget-friendly at abot-kayang pagkain. Hindi naman pinupulot yung pera kaya worth it yung mga products and service na gusto kong ibigay.”
Si Yana naman ay nagsisilbing “bato” sa magkakapatid. Nagtapos siya ng culinary degree at inilagay ang Meats and Company noong 2016. Naging modelo siya ng mga kapatid na babae, dahil sa kanyang kasipagan.
Matiyaga niyang natutunan ang lahat ng mga larangan ng kanyang negosyo at natutunan din kung paano gumawa ng sarili niyang website.
Ang pagiging bukas at mapagbigay ni Yana ay umaabot pa sa kanyang mga empleyado, partikular ang kanyang delivery team.
Para kay Dore, ang Asistio sisters ay isang buhay na patotoo kung gaano kahalaga ang pagmamahal at suporta ng pamilya para magtagumpay sa negosyo.
Samantala, si Dore ay isa ring Certified Franchise Executive, Certified Management Accountant, at Certified Human Resources Practitioner, “I love learning. It balances my life. I choose the courses which will help me in business consultancy, so I can help others more. That’s the reason I took up program courses.”
Siya rin ang host ng “Startup Nation” at “Talk Shop Asia” sa V81 Radio Worldwide.
The post 4 na anak ni Nadia kinakarir ang pagnenegosyo; business coach saksi sa tagumpay ng magkakapatid appeared first on Bandera.
0 Comments