SI Liza Soberano naman pala ang nagsabing ayaw niyang itambal sa ibang aktor dahil baka raw hindi pa handa ang LizQuen fans na makita sila ni Enrique Gil na iba ang kapareha.
Nang banggitin ni Ms. Malou Santos, dating Star Cinema executive, na palitan ang pangalan niyang Hope to Liza ay pumayag naman pala siya.
Yan ay ayon sa ex-manager ni Liza na si Ogie Diaz na nagsalita uli sa “Showbiz Update” vlog nito na in-upload kaninang hapon.
“Doon lang naman ako nanggagaling sa mga statements ni Liza,” bungad ni Ogie kay Mama Loi kasama si Ate Mrena.
Sabay sabing, “Mayroon lang akong gustong ikorek o mayroon akong gustong sabihin doon hindi para ikorek siya kasi baka sa kanya tama ‘yun, eh.
“Iyon ang iniisip ko kasi, alam mo sa pagma-manage ng mga artista sa panahon ngayon lagi kong inaalala o primary concern ko ‘yung mental health (problem) ng bata.
“Pero siyempre ‘yung mental health ng talents inaalala mo yan, di ba? Ang hindi alam ng mga talents, meron ding mental health (problem) ‘yung mga manager nila. Ha-hahahaha!” sabi ni Ogie.
Sundot ni Mama Loi, “Hindi nila alam na alas-kuwatro ng umaga ay iniisip mo lahat ng problema nila.”
“Korek kaya nga po nagbabawas na ako ng talents. Kaya ‘yung iba diyan na nagsasabing ala-tsamba lang daw ako kay Liza at saka kay Vice Ganda…yes tsamba lang. Happy (sabay thumbs up)?” tumatawang sabi ni Ogie na ikinatawa rin ni Mama Loi.
Tanong ni Mama Loi kay Ogie, “’Nay isa sa mga nabanggit niya ro’n, di ba na hindi nga siya ang pumili ng pangalang Liza Soberano (sabay pakita ng quote ng dalaga). Kuwento mo naman sa amin ‘Nay, san ba galing ang Liza Soberano?”
“Dati kasi po Hope Soberano ang gamit namin pero kasi nga one syllable lang, sabi ni Tita Malou, ‘ano bang pangalan mo?’ Tapos sabi nga Hope Elizabeth Soberano.
“Ahhh, Liza puwede ba Liza? Bongga ang Liza Soberano, glamorosa, bongang pangalan, sosyal at agree lahat. Si Liza nag-agree sa Liza,” diin ni Ogie.
Sabi naman ni Mama Loi, “Nag-agree (talaga) siya?”
“Oo, kasi kung Hope Soberano ka lang, hmmm, parang itinigil mo agad hindi katulad ng Liza (muwestrang pataas ang tono) Soberano. Kaya doon ako nanggagaling na hindi naman kailangang linawin na hindi si Liza ang nagsabing hindi gamitin ang pangalan Liza.
“Hindi naging isyu ‘yun, eh. Naging isyu ba? Naging isyu lang kasi binanggit ni Liza. Kaya ‘yung mga tao nagtataka, anong isyu sa name? Kaya iniisip ng iba na baka gusto talaga ni Liza magpalit ng pangalan, na gawing Hope ulit.
“Di ba sabi niya, ‘call me Hope.’ Sa teaser ng vlog niya. Saka baka part ‘yun ng kanilang re-branding ng kanyang management team,” paliwanag ni Ogie.
Isa pang binalikang alaala ng content creator, talent manager at negosyante ay matalas ang memorya ng dalaga.
“Ang alam ko kay Liza ang kanyang memory, memory box na mura four years old siya hanggang sa kasalukuyan (ay) matalas na ang memorya niya. Kahit sa pagme-memorize ng linya, mabilis siyang maka-memorize.
“Pitong lengguwahe ang alam ni Liza, Italian, German, Spanish, (bukod pa sa English) kahit Pangasenense, kahit Ilocano kaya ni Liza, pito ‘yan. Ang memory ni Liza ay hindi mo matatawaran,” pagtatapat ni Ogie.
Hirit ni Mama Loi, “E, matalas naman pala ang memorya niya ‘Nay bakit parang maraming magagandang bagay siyang nakalimutan?”
“Iyon din ang tanong ko sa sarili ko,” saad ng dating manager ng dalaga.
Sabi pa, “Bakit nakalimutan ni Liza ang mga bagay na naging daan kung bakit siya nakarating diyan, hindi dahil sinusumbat ko ha, hindi dahil pinapamukha ko kay Liza ‘yan kundi ipinapaalala ko lang sa kanya.
“Na hindi naman agad-agad ay nakarating ka sa posisyon mo kundi lahat tayo nag-collab tayo para marating kung ano ang gusto mong marating, ‘yung goal mon a kasama mo kami.
“Di ba dati nag-viral pa ‘yung pumila pa siya ro’n na nakiusyoso pa siya sa Juan for all, All for Juan (segment ng Eat Bulaga), di ba, nandoon pa ‘yung nahagip siya ng kamera na ang ganda-ganda niya. Umpisa ‘yun, tapos dinala siya sa akin ni Tita Joni.”
Hirit ni Mama Loi, “Speaking of tita Joni para sa mga nakakakilala kay Liza ang laki rin ng ginampanan ni tita Joni sa career niya bakit parang hindi niya nabanggit din sa vlog niya? Ang nabanggit lang niya do’n si Althea na bestie niya.”
“Isang malaking bahagi rin ng career ni Liza ay si tita Joni, pinsan ng kanyang tatay (John Castillo Soberano) na kinupkop talaga ni tita Joni noon from US papunta rito (Pilipinas) at doon siya nag-stay sa Pangasinan kung saan nakatira si tita Joni kaya marunong din ng Pangasinense (salita) itong si Liza, si tita Joni ang kanyang guardian.
“Na si tita Joni bukod kay Dudu (Unay, agent ni Liza) na silang dalawa ang naglapit sa akin kay Liza. Tapos kausap ko palang ‘yung bata sabi ko, ‘gusto mong mag-artista? (Sagot ni Hope), ‘opo, opo pangarap ko talagang mag-artista.’ E, di iyon doon nagsimula,” balk-tanaw ni Ogie.
Muling idiniin ni Ogie na hindi siya malungkot na laging itinatanong sa kanya, “Malulungkot ka lang kung hindi mo nagawa ‘yung dapat sa talent, e, as far as I’m concern nagawa naman natin kay Liza ‘yan, siyempre sa relasyon ng manager at talent wala namang perfect na relationship. Kahit nga mag-asawa nag-aaway, di ba? Nagtatalo rin kami (ni Liza) but at the end of the day, kami ‘yung mag-ama.”
Tanong ulit ni Mama Loi, “May isa pa siyang nabanggit do’n na sa buong career niya with ABS (CBN) ay wala siyang boses?”
Painosenteng tanong ni Ate Mrena, “Ano ‘yun kuya, paos siya?”
“Gaga ibig sabihin hindi siya nagkaroon na mag-opinyon, mag-suggest ng kanyang ideas, ng kanyang thoughts hindi nabigyan ng chance. Nilinaw na natin ‘yan nu’ng una sa voice over ko na hindi totoo ‘yun sa akin ah.
“Kasi kung si Liza ang tingin niya hindi siya nabigyan ng boses, iyon ang pagkakaalam niya. Sa pagkakaalam ko sa lahat ng pagkakataon ang ABS-CBN, ang Star Cinema ay tinatanong siya kung gusto mo ba itong project.
“Kaya kung mapapansin mo sa entire career ni Liza (13 years) ay anim na pelikula lang ang nagawa niya ibig sabihin ang paggawa ng pelikula para kay Liza ay kailangan maibigan niya, kailangan ma-in love siya sa character niya, ma-in love siya sa movie.
“Ganu’n siya kapihikan sa kanyang mga tinatanggap. Ibig sabihin binibigyan siya ng boses, gusto mo ba ‘to? (sabi ni Liza baka may ibang istorya) okay magpi-pitch ulit (pauit-ulit).
“Kaya nu’ng huli bago matapos ‘yung aming kontrata sabi ko kay Liza, ‘nak maganda ‘tong It’s Okay Not to be Okay. Sabi ko tanggapin mo na ‘yan anak kahit wala na ako sa picture. Ibig sabihin kahit wala na akong komisyon na makukuha do’n.
“Gusto ko lang siyang makita ng mga fans niya ulit, sila ni Enrique Gil happy na ako kahit under contract pa siya sa akin. Sinabi ko gawin mon a kahit wala akong makuha pero hindi rin naman niya tinanggap.
“Ngayon si tita Cory Vidanes (tumawag), ‘Ogs magpi-pitch ulit kami kay Liza baka may pumasa na.’ Sabi ko kay tita Cory, ‘tita baka puwedeng i-stop n’yo na ‘yung pitch n’yo? And ask na lang natin sila baka meron silang alam na story line, pero wala namang dumarating na story line coming from them, so, doon namin naramdaman na gusto muna nilang magpahinga.
“Si Quen gustong magpahinga, si Liza gusto niyang i-entertain ‘yung idea na pumalaot sa Hollywood, kaya sabi ko kay Liza, ‘go anak kung saan ka masaya.’ Kasi importante talaga sa akin ‘yung mental health ng bata. Kasi kahit naman ako, may anak akong lima, so, iyon din ang aking priority, ‘yung kanilang mental health,” mahabang kuwento ni Ogie.
At dito na tinanong ni Mama Loi na binanggit ni Liza na sa buong career niya ay wala siyang ibang kapartner.
“Hindi niya binanggit si Enrique Gil pero alam naman nating lahat, common knowledge naman na wala siyang naging ibang leading man kundi si Enrique Gil,” sambit ng co-host ni Ogie sa “SU.”
“Bilang ito naman ang alam ko, binigyan ng choice si Liza kasi nga lagi nga sila ni Enrique Gil, teleserye, pelikula, teleserye, pelikula kaya nag-open ang Star Cinema.
“Nagtanong si Inang Olive Lamasan, ‘o anak gusto mo ba na for a change mag-iba kayo (partner) ni Quen. Iba naman ang kapartner (Quen) ikaw naman iba rin ang kapartner. Ang natandaan kong sabi ni Liza, ‘Ay baka hindi pa handa ang mga fans ng LizQuen. Baka hindi nila iyon matanggap.’ So gusto pa rin ni Liza na si Enrique pa rin kaya si Liza pa rin ang nasunod.
“Kaya nagtataka ako ako sa (sinabing) hindi nabigyan ng boses si Liza sa kanyang mga ideas, sa kanyang mga thoughts, para sabihin kung ano ang gusto niyang gawin? Na parang nakakulong lang siya sa kahon, parang diniktahan lang siya, parang mukha siyang bulaklak lang,” pagtatapat ni Ogie.
Banat ni Cristy Fermin kay Liza Soberano: ‘Wala kang utang na loob, hindi ka Pilipino!’
Ogie Diaz may sama ba ng loob sa mga dating alagang sina Vice Ganda at Liza Soberano?
The post ‘Si Liza Soberano mismo ang tumangging bigyan sila ni Enrique Gil ng ibang ka-loveteam’ appeared first on Bandera.
0 Comments