Miss Finland Essi Enkuri, Miss Cambodia Ngin Marady at Miss Malta Jade Cini
KANYA-KANYANG post ang netizens sa social media ng mga bloopers at wardrobe mishap na na-experience ng ilang kandidata sa ika-70 edisyon ng Miss Universe pageant.
Kung susumahin, halos pitong oras daw ang itinagal ng pre-pageant event ng Miss Universe 2021 kabilang na riyan ang tatlong oras na National Costume Show at Preliminary Competition.
Ngunit kering-keri lang daw ito sey ng mga Pinoy pageant fans na talagang super abangers sa pagrampa ni Miss Philippines Beatrice Luigi Gomez na agaw-eksena sa kanyang Bakunawa (dragon-inspired) costume.
At siyempre, hindi rin nagpatalbog ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera nang turuan niya ng “Sabay Sabay Tayo” dance steps ang kapwa pageant judge na si Miss Universe India 2015 Urvashi Rautela.
Pero kung swabe at very smooth ang pagrampa sa stage ng halos lahat ng kandidata sa Miss Universe 2021, may mga nakaranas din ng wardrobe mishap sa National Costume show tulad ni Miss Finland Essi Enkuri.
Kitang-kita ang dalaga habang naglalakad pabalik sa backstage nang biglang mahulog ang kanyang neckpiece. Pero in fairness, idinaan na lang ni Miss Finland sa pagkokomedya ang nangyari sa pamamagitan ng nakakalokang “shocked” reaction.
Si Miss Cambodia naman na si Ngin Marady ay may dalang mask at spear bilang bahagi ng kanyang national costume. Nang paalis na siya ng stage ay nalaglag ang malaking flower petal sa kanyang likuran.
Gulat na gulat din ang kandidata sa nangyari at nang tinangkang pulutin ang bulaklak ay naalala niyang may hawak pa siyang mask at spear kaya hindi na ito pinulot.
Lumapit na lang kay Miss Cambodia ang dalawang floor director at ibinalik ang kanyang nalaglag na props. Sa kabila ng costume mishap, super project and smile pa rin ang kandidata.
Ni-repost din niya sa kanyang Instagram ang mga video na ibinahagi ng netizens sa social media.
Samantala, kinaaliwan naman ng mga nakapanood sa pre-pageant event ang pagrampa ni Miss Malta Jade Cini na may bitbit na life-sized flag na nagpapakita ng simbolo ng kanyang kultura.
Habang naglalakad sa stage, nagpasabog ng confetti ang kandidata ng Malta kaya naman napa-react nang bongga si Nick Teplitz, ang writer-producer ng Miss Universe Organization pati na ang co-host niyang si Miss Universe 2020 Andrea Meza.
Hirit ni Nick, “Come on Malta, who’s gonna clean up that mess?” Na ang tinutukoy nga ay ang nagkalat na confetti sa gitna ng stage na kapag hindi nalinis agad ay baka may madulas at madisgrasya pang kandidata.
Kasunod nito, nag-announce si Nick ng, “Ladies and gentlemen, we’re gonna hold up to clean up that mess.”
Bukas na ng umaga mapapanood ang 2021 Miss Universe pageant kaya naman siguradong maaga pa lang ay nakaabang at nakatutok na ang milyun-milyong Pinoy pageant fans.
The post Miss Finland, Miss Cambodia nag-viral dahil sa National Costume ‘mishap’, pre-pageant na-delay dahil kay Miss Malta appeared first on Bandera.
0 Comments