ROME–Buking ang isang Italyano matapos na gumamit ng pekeng kamay para “magpabakuna.”
Isang silicone na kamay na mapapagkamalan mong totoo ang ginamit ng isang lalaking na gusto lamang makakuha ng Covid-19 vaccine certificate sa Biella, isang siyudad sa Italya, noong Huwebes ng gabi.
Pero hindi ito nakalusot sa mga health workers at kaagad na ini-report ang may 50 anyos na lalaki sa pulisya.
Tinawag ni Albert Cirio, pinuno ng Piedmont regional government, ang insidente na “ridiculous.”
Hindi umano katanggap-tanggap ang ganitong palusot kung iisipin ang mga pinagdaanang hirap at sakripisyo ng mga komunidad sa Italya noong unang nanalasa ang pandemya, kung saan maraming buhay ang nawala.
Naghihigpit na ang Italya sa mga taong hindi pa bakunado.
Simula pa noong Agosto, isang “Green Pass” na nagpapatunay na may bakuna, kare-recover lamang sa coronavirus, o negatibo sa test, ang kailangan para makakain sa mga restaurant, makapasok sa museum, sinehan, at teatro, at makapanood ng mga sporting events.
Pero mula Disyembre 6, ang mga aktibidad na ito ay maaari na lamang gawin ng may hawak na “Super Green Pass” na makukuha lamang ng mga taong may bakuna laban sa Covid-19.
Umaabot na sa 85 porsyento ng mamamayang may edad 12 pataas ang bakunado na.
Ang Italya ang unang bansa sa Europa na tinamaan ng pandemya noong maagang bahagi ng 2020 at 746,146 ang kabuuang bilang ng namatay noong taong nabanggit.
Mula sa ulat ng Agence France-Presse
The post Lalaki gumamit ng pekeng kamay para magpabakuna sa Italya appeared first on Bandera.
0 Comments