Ako’y umay na umay na sa mga kwento tungkol sa mga nominees ng ilang partylist.
Nilikha ang partylist law para katawanin ang mga tinatawag na “marginalized sectors” ng ating lipunan.
Sila yung nangangailangan ng malakas na tinig sa paggawa ng batas para sa mga sektor na ika nga eh kapos sa kakayahang isulong ang kanilang mga kapakanan.
Pero binaboy ito ng ilang mga pulitiko dahil ginawa nilang kanlungan ng kalokohan ang partylist system sa bansa.
Dito nila ipinupwesto ang kanilang ambisyosong mga kaanak o kaalyado samantalang ang iba naman ay ginagawa itong palabigasan tulad ng balak ng isang mambabatas na makailang beses nang nasangkot sa pandurugas sa pondo ng bayan.
Matagal ko nang panawagan na kilalanin ninyo ang mga nominees sa likod ng ganitong mga grupo dahil sila-sila ring mga pulpol na pulitiko ang nagpapatakbo dito.
Dati nang bumuo ng partylist itong mambabatas na bida sa ating kwento ngayong araw pero dahil sa pagbusisi ng Comelec ay hindi ito inaprubahan.
Buti na lang dahil kilala kong kurap ang kanilang dating first nominee at ang kasunduan nila ng ambisyosong mambabatas ay bibigyan daw siya ng P1 million na kita kada buwan pero kay Mr. Legislator mapupunta ang lahat ng project ng grupo sa pamamagitan ng PDAF.
Ngayon ay anak naman ni Mr. Politician ang first nominee ng kanilang partylist na binubuo rin lang naman ng mga miyembro ng kanilang angkan.
Sinabi ng aking cricket na palibhasa ay walang career ang anak ni Mr. Legislator kaya pilit na lamang nila itong isinaksak sa binuo nilang partylist na kumakatawan umano sa uring manggagawa.
Lahat ata ng kanyang mga anak ay balak isaksak sa pulitika ayon pa sa aking cricket.
Kung titingnan sa kabuuan ay sayang lamang ang pondo ng gobyerno na napupunta sa angkan na ito dahil sa walng kakwenta-kwenta nilang serbisyo kuno sa gobyerno.
Di na kailangan ng clue, sabi nga ng aking cricket di na baleng mga bano sa public service, gwapo naman.
The post Partylist system binaboy na ng ilang pulitiko appeared first on Bandera.
0 Comments