HINDI napigilan ng singer-actor na si Janno Gibbs ang kanyang pagkadismaya nang malaman nito na na-cancel ang kanyang guesting sa noontime show na “It’s Showtime” bilang parte ng kanyang pagpo-promote ng superhero film niyang “Mang Jose”.
“Was scheduled to guest on Showtime today to promote Mang Jose. But the guesting was cancelled last night,” saad ni Janno sa kanyang Instagram post noong Nobyembre 11.
“Hanggang ngayon pa ba naman ABS? Nung Sanggano part 1 alam nyo bang si Andrew at Dennis lang ang pinayagan mag guest. Ako bawal,” pagpapatuloy ni Janno.
Aniya, masyado raw atang matindi ang galit sa kanya ng Kapamilya network magpahanggang ngayon.
“Nung pinaglalaban niyo ang prangkisa nyo ay nakisimpatya pa ako. Kala ko’y lumambot na ang puso nyo matapos ang inyong mga pinagdaanan.
Hindi ba dapat ay nagtutulungan tayo sa hirap ng lagay ng industriya ngayon? Masyado namang matindi ang galit nyo sa akin.
“Oo kailangan ko kayo at hindi nyo ako kailangan. Ngunit anu ba naman ang ilang minuto para makapag promote lang ng pelikulang malapit sa puso ko,” hinaing ni Janno.
Oktubre 2018 nang pumirma si Janno ng kontrata sa ABS-CBN’s music label Star Music.
Ngunit umugong ang balita na na-ban ang singer-actor sa Kapamilya network matapos itong magsalita patungkol sa hindi pagkakasama sa ABS-CBN Christmas Station ID.
Nag-post kasi ito noon sa kanyang Instagram account at gumamit pa ng mga hashtags na “#wagnyokohanapinsastationid” and “#lakipanglogosalikod” na tinanggal rin ni Janno kalaunan.
Humingi naman ng tawad si Janno noon sa hindi nila pagkakaunawaan ng Kapamilya network.
Sa naging premiere night ng kanilang pelikulang “Sanggano, Sangggago’t Sanggwapo” noong 2019 ay nagsalita si Janno patungkol sa isyu.
“I’m a comedian. In jest naman ‘yun, may halong patawa naman ‘yung post ko. Hind ko inaalis sa mga [ABS-CBN] bosses na masaktan sila, kaya I’m really sorry for that. Ti-nake down ko naman ‘yung post na ‘yun, ” ani Janno sa panayam.
Sinabi rin ni Janno noon na hiling pa rin niya na makagawa ulit ng proyekto sa Kapamilya network.
“Naisip ko na ‘Ay baka dibdibin nila ‘to.’ Naisip ko na, ‘ay nagpapatawa lang naman ako at nagpapa-cute lang naman ako’ so I’m hoping na soon maka-trabaho ako sa ABS-CBN,” saad ni Janno.
Bukas naman ang BANDERA para sa pahayag ng “It’s Showtime” patungkol sa isyu.
Related Chika:
Janno tinablan ba sa ‘threesome love scene’ kasama sina Maui at Rose Van sa ’69+1′?
The post Janno dismayado sa nakanselang guesting sa ‘It’s Showtime’: Masyado namang matindi galit nyo sa akin appeared first on Bandera.
0 Comments