Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Bakbakan ng mga ‘halimaw’ sa The Clash 4 mas tumindi pa; Rabiya bibida sa ‘Wish ko Lang’

Rabiya Mateo at ang Top 16 clashers ng The Clash 4

PATULOY ang bakbakan ng mga “halimaw” sa kantahan at biritan sa “The Clash” season 4 ngayong weekend sa GMA 7.

Sa Round 3, na magaganap ngayong gabi sinu-sino nga kaya ang makakapasok at papasa sa panlasa ng Clash Panel sa susunod na level ng labanan kung saan magpapatalbugan ang mga clashers sa inihanda nilang duets? 

Last week, natapos ang “The Clash” Round 2 sa pagpapakilala sa Top 16 na siyang naging hudyat para sa bagong challenge, at ito nga ang “The Clash Round 3: Pares Kontra Pares”. Dito pumili ang anim na clashers kung sino ang gusto nilang maka-duet.

Pinili ni Raffy Roque si Renz Fernando habang si Vilmark Viray naman ang napili ni Sky Valentine. Makaka-partner naman ni Jeffrey dela Torre si Fame Gomez, habang si Eric Celino naman ang makaka-duet ni Rare Columna.

Magtatambal naman on stage sina Ralph Padierno at Julia Serad; Lovely Restituto at Kaye Eliseo; Mauie Francisco at Marian Osabel; at sina Jessa Neri at Anthony Uy.

Sino nga kaya sa kanila ang mangunguna sa Round 3 at makakakuha sa boto ng Clash Panel na sina Comedy Concert Queen Ai Ai delas Alas, Asia’s Romantic Balladeer Christian Bautista at Asia’s Nightingale Lani Misalucha? 

Ang masusuwerteng pares na mapipili ng judges ay makakapasok sa Top 12 ng labanan na magpapatalbugan sa mga susunod na rounds.

Tutukan ang mas tumitindi at mas umiinit pang bakbakan sa original reality singing search ng GMA kasama ang Clash Masters na sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, with Journey Hosts Ken Chan and Rita Daniela.

Napapanood ang “The Clash 4” tuwing Sabado, 7:15 p.m. at Linggo, 7:40 p.m.. 

* * *

Ngayong Nobyembre, mas pinalakas at pinaganda ang mga kuwento sa “Wish Ko Lang” kasama si Vicky Morales.

Una na rito ang pagbabalik-telebisyon ni Maybelyn dela Cruz sa “Aksidente” episode na pagbibidahan niya kasama ang Kapuso actor na si Gabby Eigenmann. Mapapanood na ito ngayong Sabado (Nov. 6).

Sa panayam ng GMA kay Maybelyn, ibinahagi ng dating child-actress ang labis na pasasalamat niya na mapabilang sa “Wish Ko Lang”, “I’m just grateful kasi after a long time, yung set ng ‘Wish Ko Lang,’ ’yung una kong show na nakapag-act ako, sobrang bait po ng mga tao.”

Ang karakter ni Maybelyn ay mai-inlove sa anak ng kanyang boss. Tatalakayin sa episode ang iba’t ibang financial problem na pinagdadaanan ng isang pamilya.

Dapat ding abangan sa programa ang “Biyenan” tampok ang mga natatanging pagganap nina Carmi Martin, Arra San Agustin, at Paul Salas sa Nov. 13 at ang episode na “Apoy” na pagbibidahan nina Martin del Rosario, Faith da Silva, at Maureen Larrazabal sa Nov. 20. 

Mapapanood naman ang unang “Wish Ko Lang” guesting ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo sa Nov. 27 kasama sina Jeric Gonzales at Kim Rodriguez sa episode na “Magkaibigan.”

Unang napanood si Rabiya na umaakting sa “Gabi Ng Lagim” episode ng “Kapuso Mo Jessica Soho” last Sunday at in fairness, mukhang pasado naman sa viewers ang first acting project niya.

Abangan lahat ng ito sa “Wish Ko Lang” tuwing Sabado 4 p.m., pagkatapos ng “Tadhana” sa GMA.

Ai Ai, Lani, Christian sa The Clash 4: Hinahanap namin total package, pero sana mabait din, walang attitude

The post Bakbakan ng mga ‘halimaw’ sa The Clash 4 mas tumindi pa; Rabiya bibida sa ‘Wish ko Lang’ appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments