JOHANNESBURG–Bagong variant ng Covid-19 ang natagpuan ng mga dalubhasa sa South Africa na maaaring mas nakakahawa kaysa sa Delta at magpapawalang-bisa sa kasalukuyang bakuna.
Ang bagong variant, na tinawag na B.1.1.529, ay na-detect na rin sa Hong Kong sa mga turistang nanggaling sa South Africa. Mataas ang bilang ng mutation nito na siyang sinisisi sa muling pag-imbulog ng bilang ng mga may Covid-19 sa nasabing bansa sa Africa.
Ipinagbawal na sa United Kingdom at Israel ang pagpasok ng mga manlalakbay mula sa South Africa at pati na rin sa lima pang bansa sa Africa.
“Sa kasamaang palad, may nadiskubre kaming bagong variant, na ngayon ay lumilikha ng pangamba sa South Africa,” ayon sa virologist na si Tulio de Oliveira sa isang news conference.
“Lumilikha ito ng panunumbalik ng impeksyon,” dagdag pa niya.
Umaabot na ngayon sa 1,200 ang bilang ng mga bagong kaso sa South Africa, malayong mataas sa 106 noong maagang bahagi ng buwan.
Ayon sa mga siyentisya, ang bagong variant ay may hindi bababa sa 10 mutation, kumpara sa dalawa sa Delta at tatlo sa Beta.
Mula sa ulat ng Agence France-Presse
The post Bagong variant ng Covid-19 sa South Africa, pinangangambahang mas nakakahawa appeared first on Bandera.
0 Comments