Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

61 pasahero ng KLM galing South Africa, nagpositibo sa Covid-19

South Africa Covid-19 Omicron Netherlands

Isang Red Cross van ang may lulang mga pasahero mula sa flights galing sa South Africa. Sa may 600 na pasaherong sinuri, 61 ang nagpositibo sa Covid-19. (ANP/AFP)

SCHIPHOL, Netherlands–Animnapu’t isang pasahero ng KLM sa flight na nanggaling sa South Africa ang nagpositibo sa Covid-19 at kasalukuyang sinusuri pa kung ito ay dulot ng bagong Omicron variant.

Naka-quarantine ngayon ang mga nagpositibo sa isang hotel malapit sa Schiphol Airport sa Amsterdam, kung saan umabot sa 600 pasahero mula sa Johannesburg ang naghintay ng ilang oras sa paglabas ng resulta ng pagsusuri noong Biyernes.

“Batid namin ngayon na 61 sa resulta ay positibo at 531 ang negatibo,” ayon sa pahayag ng  Dutch Health Authority (GGD).

“Susuriin kaagad ang mga positibong resulta para malaman kung may kaugnayan ito sa nakakababahalang bagong variant, na pinangalanang Omicron variant,” dagdag pa nito.

Nagbabala ang mga opisyal pangkalusugan ng EU na ang bagong klase ng Covid-19 ay maaaring magdulot ng “malubha hanggang sobrang malubhang panganib” sa kontinente.

Lahat ng pasaherong nagpositibo ay mananatili sa hotel sa loob ng pitong araw kung may sintomas at limang araw naman kung walang sintomas, ayon sa GGD.

Ang mga pasaherong nagnegatibo pero nananatili sa Netherlands ay inaasahang magse self-isolate sa kanilang tahanan.

Sa mga hindi naman naninirahan sa Netherlands, maaari silang magpatuloy sa kanilang paglalakbay, ayon pa sa GGD.

Sa Pilipinas, ipinagbawal na ng mga awtoridad ang pagpasok ng mga manlalakbay mula sa South Africa at anim na iba pang karatig na bansa nito.

May naitala nang isang kaso ng dinapuan ng Omicron sa Hong Kong.

Mula sa ulat ng Agence France-Presse

 

Kaugnay na Balita
Manlalakbay mula sa 7 bansa sa Africa, bawal nang pumasok sa Pinas

The post 61 pasahero ng KLM galing South Africa, nagpositibo sa Covid-19 appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments