John Wayne Sace
TALAGANG “napraning” ang aktor na si John Wayne Sace noong kasagsagan ng anti-illegal drug campaign ng Duterte administration.
Inamin ng dating Kapamilya actor na dumaan siya sa matitinding pagsubok nitong mga nagdaang taon lalo na nang malulong siya sa droga kasabay ng pagkakasama ng pangalan niya sa watchlist ng pulisya.
Naikuwento ni John Wayne ang tungkol dito sa vlog ng talent manager na si Ogie Diaz at inamin nga na grabe ang naramdaman niyang takot noong marami nang napapatay na personalidad na umano’y sangkot sa illegal drugs.
“Napraning (ako) kasi nagkakapatayan na tapos malapit lang sa kabilang barangay,” pahayag ng dating aktor na umamin ding nahirapan talaga siyang itigil ang kanyang bisyo.
“Hindi mo kasi siya matitigil kasi gusto mo lang itigil dahil napapraning ka. Hindi, e. ‘Yun pa nagbibigay ng lakas ng loob sa ‘yo.
“Mahirap talaga. Kailangan libangin mo ‘yung sarili mo sa ibang bagay. Kailangan kapag sinabing ayaw ko, ayaw ko na. Mag-focus ka sa ibang bagay. ‘Yun ‘yung makapagpapaiwas,” paliwanag pa niya.
Wala rin daw epekto sa kanya ang pagpasok sa rehab center dahil pagkatapos ng pagpapagamot niya roon ay balik na naman siya sa pagbibisyo.
Ngunit talagang pinilit daw niyang magbago at ayusin ang kanyang buhay. Isa sa mga ginawa niya ay ang paglayo sa mga kaibigan niyang konektado rin sa droga at ang pag-aalaga sa kanyang mga anak.
“Parang ayoko na lang din siyang maalala kasi parang trauma na lang din ‘yung nangyari sa akin. Nakabuti rin naman. Nagkalapit-lapit kaming magkakamag-anak na dati halos galit-galit din,” pahayag pa ni John Wayne.
Aniya pa, “Ayokong dumating ‘yung araw na kapag malalaki na ‘yung mga anak kong babae na madatnan nila ‘yung tatay nila na ganito pa rin. Gusto ko naman maging proud sila sa akin.”
Nakulong din noon si John Wayne ng limang araw dahil sa away pamilya. Hinding-hindi raw niya malilimutan ang first day niya sa kulungan kung saan sa tabi ng toilet bowl siya natulog.
Grabe raw kasi talaga ang siksikan sa loob ng preso, sa bilang niya ay 30 katao raw ang nakakulong doon.
Isa si John Wayne sa magagaling na batang artista noon, sa katunayan nanalo pa siyang Best Child Performer sa Metro Manila Film Festival noong 2002 para sa pelikulang “Dekada ‘70” na pinagbidahan nina Vilma Santos at Piolo Pascual.
The post John Wayne takot na takot nang mapasama sa drug watchlist: Napraning ako kasi nagkakapatayan na appeared first on Bandera.
0 Comments