Header Ads Widget

Ticker

6/recent/ticker-posts

Bongbong vs. Isko kung aatras si Inday Sara sa Mayo 2022

Kung totoo ang sinasabi ni Mayor Sara Duterte-Carpio na hindi tatakabong Presidente at tatapusin na lamang sa ikatlo at huling termino sa Davao city,  magiging one-one one ang labanan sa Mayo 2022.

Pero, magbabantay pa rin tayo kahit “last day” ngayon,  kung tototohanin ni Mayor Sara ang di pagtakbo. Posible kasing magsumite ng presidential candidate ng partidong People’s Reform party (PRP) ng yumaong senador Miriam Defensor Santiago ng saan miyembro daw si Sara. Noong Hulyo,  nanumpa  sa partidong ito ang “campaign manager” ni Mayora na si dating Cabinet Secretary Leoncio Evasco . Kung mag-file ngayong deadline  si Evasco bilang Presidential candidate ng PRP, posibleng magkaroon ng “substitution” sa kanya si Sara sa November 15. Kung hindi naman sila kikilos ang PRP at si Evasco ngayon, talagang hindi na kasali si Sara sa pagkapangulo.

Dahil diyan, limang proklamadong kandidato ang matitira. Pero sino ba talaga ang nangunguna?   Kung susuriin ang mga nakaraang surveys ng PULSE ASIA , RP MISSION , at PINASURVEY-DIGIVOICE , kasama pa si Sara sa top three.

Sa RP MISSION survey (Aug-1-19),  nanguna si Sara Duterte-Carpio-32.25, sumunod si Isko Moreno-14.21, Manny Pacquiao-11.95 , BongBong Marcos, 11.20 at VP Leni Robredo-6.52.

Doon naman sa unang September survey ng Pulse Asia (Sept. 6-11) nanguna si  Sara-20, Bongbong-15, Isko-13, Pacquiao-12, Robredo-8 at Lacson-6. Inamin ng Pulse Asia na hindi naisama dito ang presidential announcement nina Pacquiao at Moreno. Isang rider question ang pinahabol ng Pulse Asia at ang resulta, nanguna si Isko-30, Duterte-Carpio-29, Pacquiao-18, Lacson-13 .

Doon naman sa Pinasurvey-Digivoice (Sept.8-13), nanguna si Isko-24.7, Bongbong-24, Duterte Carpio-22, Robredo-7.3, Lacson-5.4 ,Pacquiao-3.9.

Kung susuriin, 1-2-3 sa tatlong survey sina Sara, Bongbong at Isko na kung tawagin ay “statistically tied” o tabla. Ngayong lumalaki ang posibilidad na hindi na tatakbo si Sara, ang matitirang malakas na kandidato ay sina Bongbong Marcos at Isko Moreno.  At ang malaking tanong, kanino sa dalawa mapupunta ang mga  boto ni Sara, kay Bongbong o Isko?

Sa pagsusuri sa survey ng Digivoice, kapag umatras si Sara, ang mga boto niya  ay mapupunta kay Bongbong. Pero dahil nangungunang second choice si Isko sa lahat ng kandidato sa pagka-Presidente, posibleng makihati siya sa malilipat na boto ni Sara.

Ayon sa naturang survey na kailangan ng malaking milagro sa susunod na anim na buwan para manalo sina VP Leni Robredo, Manny Pacquiao at Ping Lacson . Ito ay dahil  sa mababa nilang mga  ”loyal voter base” at “potential voter base “ na dapat lumawak sa  pamamagitan ng agresibong kampanya.

Katunayan, sinabi ng DIGIVOICE na sina Robredo (inuugnay  sa dilawan) at Pacquiao (boksingero at hilaw pa sa kaalaman )  ay hindi ibobotong presidente dahil sa taas ng kanilang  “negative votes” at “net preference”, Pero, malay natin, baka biglang umakyat sa number 3 agad sina Robredo at Pacquiao  sa mga susunod na buwan. Tutal, malayo pa ang eleksyon at marami pang magbabago.

Kung tutuusin, sa pag-atras ni Sara, matitira ang ‘one on one” nina  Bongbong Marcos at Isko Moreno. Ipinapakita ng mga surveys na napakalayo ng hahabulin nitong nila Robredo, Pacquiao at Lacson.  Kailangan nilang mag-ala-Duterte katulad noong 2016. Pero sa one-on-one ni Bongbong at Isko, nakalalamang ng bahagya si Bongbong lalo’t susuportahan siya ng mga Duterte at ng buo nitong administrasyon.

Pero, kung hindi susuportahan si Bongbong ng mga Duterte, magiging “statistically tied” ang laban niya kay Isko. Naniniwala rin ako na kapag dumating ang punto na mananalong presidente si Bongbong, hindi malayong magkaisa ang maraming grupong kontra sa mga Marcoses upang suportahan ang kalaban niya.

Sa ngayon, si Isko Moreno pa lamang ang pinakamalakas at  nakaposisyong makakatalo  kay Bongbong . Kung hindi mag-milagro si Leni Robredo at mabigong maging “contender” at may pag-asang manalo bago mag-Mayo,  mahihirapang awatin  ang pagpanhik sa Malakanyang ng anak ng dating diktador.

Kaya naman, mga kababayan, magbantay tayong lahat.

The post Bongbong vs. Isko kung aatras si Inday Sara sa Mayo 2022 appeared first on Bandera.

Post a Comment

0 Comments