Zanjoe Marudo
AMINADO si Zanjoe Marudo na tulad ng karamihang Filipino, nahirapan din siyang mag-adjust sa “new normal” ng buhay dulot ng COVID-19 pandemic.
Muling nakachikahan ng entertainment media ang Kapamilya actor kahapon kung saan nagbigay siya ng update tungkol sa mga bagong kaganapan sa kanyang buhay at career, kabilang na ang selebrasyon para sa ika-15 taon niya sa showbiz.
Isa nga sa mga naitanong sa kanya ay ang pinagdaanan niya noong kasagsagan ng lockdown, “Mahirap siya lalo na nu’ng umpisa. Lahat tayo wala tayong idea kung anong mangyayari, kung anong susunod. So mabigat siya para sa akin.
“Mabuti na lang nandiyan yung mga kaibigan ko at pamilya ko na nagsama-sama kami during quarantine nu’ng nag-lockdown so hindi siya naging ganu’n ka-depressing.
“Pero siyempre, hindi mo maiiwasan eh, alam mo naman tayong mga Filipino lagi dapat tayong palaban.
“Lahat ng mga sitwasyon na darating sa atin, mahirap man yan eh hindi puwedeng tambayan yan. Dapat mag-move on tayo lagi,” chika ng binata sa in-organize na virtual presscon ng Star Magic.
Malayung-malayo na nga ang narating ni Zanjoe mula noong makilala siya bilang “Pinoy Big Brother” housemate taong 2006. Ano nga ba ang sikreto ng isang Zanjoe Marudo?
“Wala naman akong sikreto. Siguro dapat talaga nag-e-enjoy ka sa ginagawa mo. Dapat laging i-make sure mo na you’re having fun habang ginagawa mo trabaho mo.
“Tingnan mo, hindi ko namalayan 15 years na pala ako sa industriya. Na ngayon ko lang na-realize na ganu’n katagal na. Siguro dahil nag-e-enjoy ako at mahal na mahal ko yung ginagawa ko ngayon.
“Minahal ko na siya actually dahil pumasok naman talaga ako sa industriya na wala akong kaalam alam sa pag-arte at pag-aartista,” aniya pa.
Isa sa mga itinuturing niyang biggest highlight sa pagiging artista ay nang ma-nominate siya sa “Best Performance by an Actor” category ng 45th International Emmy Awards noong 2017.
Talagang um-attend siya sa awards night nito sa New York City, “Malaki epekto sa akin niyan kasi nung time na yun hindi ko siya ini-expect. Gusto ko siya mangyari in the future pero nung time na yun parang hindi pa yun yung time na yun yung puwede ako ma-recognize kahit paano sa mga trabaho ko.
“Ang laking balita sa akin yun na wow na-recognize ako internationally and ibang experience yun. Isa yun sa mga highlights ng career ko.
“At ang pinakaimportanteng nangyari sa moment na yun is yung ginamit ko yung sitwasyon para magsama sama kaming buong pamilya ulit dahil ang tagal na naming hindi nagsama sama ng matagal.
“Kasi yung kalahati ng pamilya ko nasa Amerika, yung kalahati nandito. So ginamit ko siya, sinama ko yung dalawang kapatid ko so nabuo kaming anim na magkakapatid ulit habang sini-celebrate ko yung milestone na yun eh kasama ko yung pamilya kong nag-se-celebrate du’n,” aniya pa.
Ano naman ang maipapayo niya sa mga baguhang artista na gusto ring tumagal sa industriya? “Makisama ka ng mabuti sa mga katrabaho mo, hindi lang sa mga artista kundi sa likod ng camera, sa staff, sa production.
“Yun yung importante, magkaroon ka ng relationship sa lahat ng taong makakasama mo kasi hindi mo alam kung anong mangyayari after di ba? Yun yung importante na meron kang connection sa mga tao, hindi lang sa audience,” ang advice pa ni Zanjoe.
Feeling blessed din si Zanjoe dahil siya ang napili bilang leading man sa Philippine remake ng British series na “Doctor Foster” na may titulong “The Broken Marriage Vow”. May South Korean version din ito, ang “The World of the Married.”
Makakasama ni Zanjoe rito sina Jodi Sta. Maria at Sue Ramirez, “Excited akong magtrabaho ulit. Ngayon nasa bahay lang ako kasi hindi pa kami puwedeng mag-lock-in. Okay ako.”
Samantala, para i-celebrate nga ang kanyang 15 years sa entertainment industry, isang special documentary ang handog ng Star Magic titled “Hanep, Kinse na pala! Zanjoe’s 15 years in showbiz.”
Babalikan dito ang journey ni Zanjoe kasama ang kanyang pamilya, mga nakatrabaho, longtime friends at ang nagsilbing mentors niya sa industriya tulad nina Piolo Pascual, Angelica Panganiban, Jodi Sta. Maria, Angel Locsin, Bela Padilla at Toni Gonzaga.
Nandiyan din ang mga direktor niyang sina Ruel Bayani, Cathy Garcia-Molina, FM Reyes, Connie Macatuno at Lauren Dyogi.
Mapapanood ang three-part documentary na ito sa Star Magic Official YouTube Channel sa Sept. 26, Oct. 2, at Oct. 9.
May YouTube channel na rin ang aktor ngayon, ang D’ LaZY Road Trip kasama ang komedyanteng si Hyubs Azarcon at basketball player na si LA Tenorio.
The post Zanjoe 15 years na sa showbiz: Ang tagal na pala…mahal na mahal ko yung ginagawa ko appeared first on Bandera.
0 Comments