Naniwala si Aubrey Caraan sa kasabihang “kapag may tiyaga, may nilaga” dahil pagkalipas ng sampung taon niyang Viva artist ay heto at may pelikula nang siya ang leading lady. At ang makakatambal niya ay si Marco Gallo na isa ring matagal naghintay ng kanyang kapalaran sa showbiz.
Sampung taong gulang pa lang si Aubrey nang sumali siya sa ABS-CBN Pinoy Dream Academy: Little Dreamers pero pagkatapos ng dalawang taon ay nasa Viva Artist Agency na siya hanggang sa kasalukuyan.
Marami siyang nilabasang supporting roles sa Viva TV series sa Sari Sari channel at naging miyembro ng girl group na Pop Girls nang mag-solo na sina Nadine Samonte at Shy Carlos dahil singer naman talaga ang first love ng dalaga.
“Then nabigyan po ako ng support roles sa movies ng Viva Films at heto po after mag 10 years na ako sa Viva, (napangiti) ito na po ‘yung time na big break na hinihintay ko. So thankful po ako sa mga bosses ko sa Viva, of course kay Direk Darryl (Yap) para po ibigay sa akin ang karakter ni Giniper,” nakangiting pagpapakilala ni Aubrey sa ginanap na Zoom mediacon para sa pelikulang “Manananggal na Nahahati ang Puso.”
Tubong Batangas si Aubrey at nagtapos ng kursong Communication Arts sa De La Salle Lipa. Bata pa lang siya ay pangarap na niyang mag-artista at mas lalo pa siyang naengganyo nang pati magulang niya ay gusto rin siyang mapanood sa TV o sa pelikula.
Sa edad na 23 ay alam niyang showbiz talaga ang gusto niya at kahit nahihirapan sa biyahe mula Batangas paluwas ng Manila kapag may taping/shooting ay masaya siya dahil nga gusto niya ang ginagawa niya.
Inamin ni Aubrey na sa tagal niya sa Viva ay nainip siya at lagi rin niya tinatanong sa sarili kung kailan siya mabibigyan ng lead role.
“Naisip ko kung kailan naman po ako bibigyan tapos isang araw tumawag po sila sa akin sinabi nga po na ako na ang magli-lead dito sa ‘Mananggal na Nahahati ang Puso’ sobrang unexpected.
“Sobrang saya ng puso ko talaga dahil ito na ‘yung matagal ko ng hinihintay ang ganitong opportunity po sa Viva. And sa singing career naman po, pinagsasabay ko po kasi hindi naman nawala ‘yun dahil before naman ay naging part ako ng girl group tapos ng ma-disband po, nagsolo na ako at nakapag release na po ako ng song,” kuwento ni Aubrey.
Natanong ang experience niyang maka-trabaho ang Beks Batallion na sina MC Muah Calaquian, Chad Kinis at Lassy Marquez.
“Working with my co-actors po sobrang saya, sobrang gaan. Naka-work ko nap o si Kuya Chad before, JaDine tour po, siya po ang nagho-host.
“Sina Kuya MC at kuya Lassy po first time ko silang naka-work dito sa pelikula at silang tatlo po naging momshie ko talaga sa set kasi marami po akong natutunan sa kanila, sa acting at personal life na maging humble lagi pati nga po sa lovelife nga po, ha, ha. Kasi no boyfriend since birth po ako. Marami silang naturo sa akin. Super thankful po ako sa kanilang tatlo,” kuwento ni Aubrey.
May misteryo ang karakter ni Aubrey sa “Manananggal na Nahahati ang Puso” at malalaman ito sa Oktubre 1, Sabado na mapapanood sa Vivamax PIlipinas bukod pa sa Hong Kong, Malaysia, Singapore, Japan, Middle East at Europe.
The post Pinakahihintay na big break ni Aubrey Caraan, dumating na rin sa wakas after 10 years appeared first on Bandera.
0 Comments